Mag-inang hindi nakatanggap ng ayuda, isinalba ng ipon sa alkansiya




Imahe mula sa Facebook account ni Marian Guiang
  • P12,000  ang naipon ng isang mag–ina sa Biñan, Laguna mula Enero hanggang Marso 2020
  • Napagpasyahan nilang kunin ito mula sa alkansiya upang may magamit sa araw–araw dahil wala pa umano silang natatanggap na ayudang pinansiyal mula sa pamahalaan
  • Ipinakita nila kung gaano kahalaga ang pag–iimpok ng salapi lalo na sa panahon ng krisis

Sa panahon ng kagipitan, ipon sa alkansiya ang masasandalan.

Pinatunayan ng isang mag–ina sa Biñan, Laguna ang kahalagahan ng pag–iimpok ng pera sa alkansiya matapos nilang mapagpasyahang buksan na ito upang magamit sa pang–araw–araw na pangangailangan noong Miyerkules, Mayo 27, 2020, dahil hindi umano sila nakatanggap ng ayuda o cash assistance.

Imahe mula sa Facebook account ni Marian Guiang

Ayon sa inang si Marian Guiang, sinimulan nila ng kaniyang anak na lalaki na 11 taong gulang ang pag–iipon sa alkansiya noong Enero 2020, bilang bahagi ng kanilang New Year’s Resolution. Balak nila itong buksan sa susunod na taon, subalit sino nga naman ba ang makapagsasabing mangyayari ang pandemya ng COVID-19 sa bansa?

Aniya, wala silang  nakuhang ayudang pinansiyal alinman sa mga government cash assistance sa kasagsagan ng Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon, bukod sa mga relief o food packs na ibinigay ng kanilang lokal na pamahalaan. Nagtatabi siya ng 100 hanggang 500 piso sa kaniyang suweldo at inilalagay ito sa alkanisya.

Ang maganda nito, hindi lamang ang ina ang marunong mag-impok dahil pati ang kaniyang anak na lalaki ay naghuhulog din sa alkansiya, na mula naman sa mga extrang pera mula sa kaniyang allowance. Lahat umano ng napamaskuhan niya ay inilagak niya rito, gayundin ang mga labis na baong pera simula Enero hanggang Marso kung saan nasuspinde na ang mga klase sa buong Luzon dulot ng ECQ.

Nang buksan nila ang alkansiya, tumataginting na 12, 000 piso ang bumungad sa kanila; sapat na sapat upang masuportahan ang kanilang mga pangangailangan, lalo’t tatlong beses na lamang sa isang linggo kung maghanapbuhay si Guiang.

Public Domain Image

Umani naman ito ng positibong komento mula sa mga netizens.

“That’s how everybody should be doing. I have a coin jar and that’s where all those loose change usually go in. In a just a year time I was able to save equivalent to almost 6,000 pesos. Every penny counts ‘ika nga,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Always save para sa mga ganitong pangyayari, kapag may ipon hindi ka talaga mamroblema kung paano at saan mo kukunin ang pambili ninyo ng pagkain at pambayad ng bills. Kudos sa inyong mag–ina!”

Sabi nga sa matandang salawikain, “Kapag may isinuksok, may madurukot.”