Mag-iina sa Bulacan, pinalayas sa inuupahang bahay sa kabila ng quarantine; nakatira ngayon sa bangketa




Larawan mula sa Balitang SJDM
  • Trending sa social media ang kuwento ng mag-iina na sa kalye nakatira ngayon
  • Pinalayas daw kasi sila sa kanilang inuupahang bahay sa gitna ng kinahaharap na pandemic
  • Namamalimos lang daw ng tulong ang mag-iina dahil hiwalay na rin sa asawa ang babae at walang trabaho

Malaking dagok para sa mga Pilipino ang naging bunga ng ilang buwang quarantine dahil sa pandemya. Maraming Pilipino ang nawalan ng trabaho at pagkakakitaan dahil kailangan munang manatili sa bahay. Mayroon namang pinansyal na ayuda mula sa pamahalaan ngunit hindi naman lahat ay nabigyan at hindi sumapat sa gastusin ng ilan.

Marami ding nangungupahan ang hindi makabayad ang pinaalis sa kanilang tinutuluyan. Kahit na mayroong kautusan mula sa Palasyo na hindi basta-basta dapat magpaalis ng tao sa isang inuupahan kahit hindi nakababayad, mayroon pa ring ilang hindi sumusunod rito.

Larawan mula sa Balitang SJDM

Kahabag-habag ang mag-iina mula sa San Jose del Monte, Bulacan na pinalayas daw sa kanilang tinutuluyan sa Barangay Sto. Cristo. Ayon sa ulat ng Facebook page na Balitang SJDM, pinalayas umano ang mag-iina at ngayon ay ilang linggo nang palaboy-laboy at sa mga bangketa nanunuluyan.

Dahil walang trabaho, umaasa na lang ang ginang at dalawang paslit na anak sa mga ayuda ng mga may mabubuting loob. Namamalimos din daw sila kung kinakailangan lalo na sa mga panahong walang nagbibigay sa kanila ng tulong.

Ang malungk0t pa, hiwalay na rin ang babae at kanyang asawa kaya naman mag-isa nitong itinataguyod ang kanyang mga anak. Kaya naman nananawagan ngayon ang mag-iina na sana ay matulungan sila sa panahon ng krisis, lalo na’t mayroon siyang dalawang anak na maaaring magkaroon ng karamdaman dahil sa pananatili sa labas.

“Isang mag-iina na pinalayas diumano sa tinitirhan, sa kalsada ng Igay Road Barangay Sto Cristo na lamang namamalagi. Pahayag ng netizen na nagbahagi ng kuwento ng mag-iina ay ilang linggo na raw sa kalsada namamalagi ang mag-iina upang manghingi ng pagkain sa mga dumaraan,” post ng Balitang SJDM.

Larawan mula sa Balitang SJDM

Agad na napukaw ng post ang atensiyon ng mga mambabasa at netizens. Ayon sa kanila, hindi raw makatao ang ginawang pagpapaalis sa mag-iina lalo pa’t mayroong dalawang bata na maaaring maapektuhan. Hiling nila na mapansin ito ng lokal na pamahalaan ng San Jose del Monte.

Ayon din sa mga netizens, kung mayroon silang probinsya, ay maaari na lang silang umuwi sa kanilang lalawigan at doon ay manirahan kasama ang kanilang ibang mga kaanak upang maging ligtas na rin ang mga bata.

Source :

Facebook, Facebook Ph