Mag-aaral, ikinabit ang cellphone sa saranggola upang makita ang “aerial view” ng kanilang lugar




Imahe mula sa Facebook account ni Eljem Pogio
  • Ipinagmalaki ng isang mag–aaral sa Cebu City ang aerial view ng kanilang lugar
  • Hindi siya sumakay sa eroplano, helicopter, o hot air balloon; nakuhanan niya ito gamit ang cellphone na idinikit niya sa pinalipad na saranggola
  • Gusto raw niya kasing makita ang hitsura ng kanilang lugar mula sa itaas

Aminin natin o hindi, minsan din nating pinangarap na pumailanlang sa alapaap. Mahawakan ang mga ulap, tangayin ng hangin, maramdamang tila pumapagaspas ang ating mga bisig kagaya ng pakpak ng mga ibong malayang lumilipad–lipad sa himpapawid.

Ganiyan marahil ang naisip ng mag–aaral na si “Eljem Pogio” mula sa Tabogon, Cebu City matapos niyang ikabit ang cellphone sa ipinalipad na saranggola upang makita ang aerial view ng kanilang lugar. Ayon sa kaniya, napagdiskitahan lamang niyang gawin ito bilang libangan habang wala pang pasok dahil sa pandemya ng COVID–19.

Imahe mula sa Facebook account ni Eljem Pogio

Kung bibistaying maigi, makikitang ipinaibabaw ni Pogio ang kaniyang cellphone sa ginawang saranggola sa pamamagitan ng tape upang matiyak na hindi naman titilapon ang kaniyang gadget. Nakabukas na ang video nito nang paliparin niya ang saranggola. Kitang–kita nga naman ang ituktok ng mga puno gayundin ang  patag na lupa. Ang ginawa ni Pogio ay tinatawag na “aerial shot” o “drone shot.”

“Curious talaga ako ano’ng view sa itaas. Nakailang takbo na din ako, kasi kailangan din ng timing sa hangin,” ayon sa mag–aaral.

Umani naman ito ng reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Good job! Support his creativity to try new things and explore the beauty of life. I think wala namang masama sa ginawa niya,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Dito sa amin may nagpalipad ng saranggola na may micro cam. Hayun sumabit sa kawad. Hindi na nakuha. Kaya ingat din sa pagpapalipad ng saranggola, baka imbes na masiyahan ka, makaperwisyo ka pa sa iba.”

Imahe mula sa Facebook account ni Eljem Pogio

“Good thing na magaan lang ang cellphone niya. Iniisip ko, paano nakayanan ng saranggola ang bigat ng cellphone? Buti hindi kumalas sa kapit ang scotch tape? Advise ko lang, try po ninyong i–search sa Google Map, makikita po ninyo yung aerial view ng place ninyo, no need to risk your phone to take photo, yet for experimental and educational purpose puwede din naman pero safety first,” paalala at mungkahi naman ng isa.

Pinapaalala naman sa mga bata na hangga’t maaari, huwag nang magpalipad ng saranggola, lalo na sa mga residential areas na maraming kawad ng kuryente. Kapag kasi sumabit ito, maaaring magdulot pa ito ng perwisyo sa paggamit ng kuryenta, na kinakailangan ngayon lalo’t masyadong mainit ang panahon.