Lolong naispatang nagtitinda ng taho sa kabila ng kalagayan, lubos na hinangaan




Imahe mula sa Facebook account ni JS Gervacio
  • Itinampok ng isang netizen ang kasipagan ng isang lolo
  • Nagtitinda pa rin ito ng taho sa kabila ng katandaan
  • Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens

Sabi nga, hindi na baleng mahirapan basta’t ang ikinabubuhay para sa sarili at sa pamilya ay nakuha sa marangal na paraan.

Iyan ang pinatunayan ng netizen na nagngangalang “JS Gervacio” matapos niyang itampok sa kaniyang Facebook post ang mga larawan ng lolong naispatang nagtitinda pa rin ng taho, kahit na ito ay nagkakandakuba na sa pagpasan ng mga paninda gamit ang yantok na sabitan nito. Hindi natukoy o nakuha ang pangalan nito.

Imahe mula sa Facebook account ni JS Gervacio

“Help others, even when they can’t help you back. God please help with us,” ayon sa kaniyang caption.

Iba–iba ang naging pagtanggap dito ng mga netizens. May ilang mga humanga sa katatagan at kasipagan ni Lolo Magtataho. May ilan din namang nahabag sa kaniyang kalagayan dahil sa kabila ng katandaan ay kinakailangan pa rin nitong magtrabaho nang mabigat.

“Lord give this old man strength thru your love…Guide him each day…” panalangin ng isa.

Pananaw naman ng isa, “Dapat sa Pilipinas may Home for the Aged lalo na sa mga matatandang walang nag– aarugang kamag–anak. Sa akin lang naman ito ah.”

“Nakakadurog ng puso na makita ang mga matatanda na nagtatrabaho at nahihirapan na dapat nasa bahay lang inaalagan at pinagpapahinga, madaling madapuan ng sakit ang mga matatanda lalo na ang edad na katulad ni Tatay,” bulalas naman ng isa.

Isang netizen naman ang hindi napigilang ibahagi at itampok ang kaniyang tatay na magtataho. Ipinagmamalaki raw niya ang kaniyang ama dahil sa kabila ng hirap ng ginagawa nito, tinitiis ang init ng panahon habang pasan ang mabibigat na lalagyanan ng taho, ay patuloy pa ring kumakayod para sa kanila. Saludo raw siya sa lahat ng mga magtatahong gaya ng kaniyang ama at ng lolo sa ibinahaging larawan.

Imahe mula sa Facebook account ni JS Gervacio

Saludo po kami sa inyong kasipagan, subalit sana rin po ay alalahanin din ninyo ang inyong mga kalusugan! Huwag magpapabaya.