Mga kuting na nakasilid sa plastik, kinahabagan




Imahe mula sa Facebook account ni Sarah Mohammed / Public Domain Image
  • Kinahabagan ng mga netizens ang mga nakabalot na kuting sa kalsada
  • Inilagay kasi ito sa loob ng dilaw na plastik at mahihinuhang itinapon na
  • May mga nagsabing sana raw ay ipinaampon na lamang ito sa halip na inabandona sa kalsada

Sadyang mapagmahal sa mga pets ang mga Pilipino. Aso man iyan, ibon, manok, rabbit, isda, o pusa, talaga namang pinagkakagastusan na para bang tunay na anak. Naaapektuhan tayo kapag sila ay nagugutom, naliligalig, o kaya naman ay may dinaramdam. Madali tayong magalit kapag nakakita o nakasaksi tayo ng pagmamaltrato o hindi maayos na pagtrato sa kanila.

Kaya naman, hindi maiwasang makaramdam ng habag ang mga netizens sa ibinahaging Facebook post ng isang netizen na nagngangalang “Sarah”. Kalakip ng kaniyang post ang mga larawan ng mga kuting sa loob ng dilaw na plastik. Hindi naman natukoy kung sino ang gumawa nito sa mga kuting.

Imahe mula sa Facebook account ni Sarah Mohammed

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Dapat ipinamigay na lang nila kaysa itapon. Kami nga, noong nanganak aso namin walo ang anak e, naghanap kami ng may gusto mag–alaga ng aso,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Nature naman ng mga hayop na gumala at mamuhay mag-isa. Sa akin, ayos lang kung pinakawalan sa bakanteng lote, o kaya medyo magubat na lugar, kung hindi kayang arugain. Sana hindi na lang inilagay sa plastik.”

“Buti po may nakakita, kung hindi baka wala na po sila, baka hindi na sila makakahinga,” pag–aalalang saad naman ng isa.

Pakiusap naman ng isa, “Please take them with you, don’t let them stay alone in road, they might not survive, might die in hunger, they need food and shelter.”

Sa Pilipinas, maaaring makasuhan ang sinumang magmamaltrato o mananakit sa mga hayop, maliban na lamang kung ito ay para sa “sustainability” ng pagkain gaya ng baboy, baka, manok, at isda. Ayon sa inamyendahang Republic Act 8485 o Animal Welfare Law Section VI, “It shall be unlawful for any person to torture any animal, to neglect to provide adequate care…”

Public Domain Image

Maaaring magmulta ang sinumang mapatutunayang lumabag dito ng hanggang 250,000 piso, at posible pang makulong ng isa hanggang dalawang taon. Ang ahensiyang nangangalaga sa kapakanan ng mga hayop ay ang Philippine Animal Welfare Society o PAWS na itinatag noong 1954.

Alagaan at igalang natin ang mga hayop tulad ng pangangalaga at paggalang natin sa ating kapwa–tao.