Kaugaliang Pilipino: Libreng pamamahagi ng mga bungang–prutas sa kapitbahay




Imahe mula sa Facebook / Public Domain Image
  • Kinatuwaan ng mga netizens ang isang larawan
  • Makikita kasing nagkalat ang mga mangga sa kalsada dulot ng pananalasa ng bagyong Ambo
  • Biro sa post, ubos daw ang mangga ng mga suwapang

Kamakailan lamang ay hinagupit ang ilang mga lalawigan sa Luzon ng kauna–unahang bagyong tumama sa bansa ngayong 2020— ang bagyong Ambo, na muling humagupit sa mga kabahayan, nagpatumba sa mga poste ng kuryente, nagpapasok at nagpasilong sa mga taong nasa labas pa rin ng kani–kanilang mga bahay, at nagpakalat sa mga bungang manggang napapanahon sa buwan ng Mayo.

Kaya naman, kinaaliwan ng mga netizens ang isang larawang nagpapakita ng mga nagkalat na “Indian mangoes” sa kalsada matapos manalasa ang bagyong Ambo noong Mayo 14 hanggang 15, 2020. Ayon sa caption, hindi raw napakinabangan ng mga “suwapang” ang mga mangga, na sana raw ay ipinamimigay sa mga kapitbahay.

Imahe mula sa Facebook

Ang salitang “suwapang” ay negatibong salita na nangangahulugang “maramot” o sinasarili lamang ang mga bagay at hindi ibinabahagi sa kapwa.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens, lalo na ang mga nakaranas na mapagdamutan ng kanilang mga kapitbahay.

“Naku, ganiyan din ang kapitbahay namin. Ayaw magpapitas ng malunggay nila. Hayan tuloy, sinira ng bagyo. Naputol ang puno ng malunggay, tapos tumilapon sa burak ang mga bunga. Kapag ganiyang biyaya mula sa langit, huwag ipagdamot kasi hindi mapakikinabangan,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Sayang naman kung hindi nakain ang mga iyan! Masarap ang indian mangoes lalo na kapag isinawsaw sa bagoong. Sana ginawa na lang relief goods sa mga kapitbahay, pampalakas pa ng resistensiya kasi vitamin c.”

“Mukhang puwede pa naman ah. Pulutin at ipamahagi sa mga kapitbahay ang mga puwede pang kainin. Yung mga nabulok o nalabo na, gawing pataba sa halaman,” mungkahi naman ng isa.

Itinuturing na “pambansang prutas” ng Pilipinas ang mangga. Matatagpuan ito sa mga bansang tropikal gaya ng ating bansa. Ilan sa mga paboritong variety nito ay ang Indian, kalabaw, at piko o manggang mansanas. Masarap itong kainin kasama ang sawsawang bagoong alamang.

Public Domain Image

Bahagi rin ng tradisyon ng mga Pilipino ang pamimigay ng mga bungang–prutas sa mga magkakapitbahay. Ginagawa ito upang hindi raw “magtampo” ang puno at patuloy itong mamunga. Sinasabing ang pagiging madamot o suwapang sa pamimigay ng mga bungang–prutas ay magiging dahilan upang hindi mamunga ang nasabing punongkahoy, gaya ng mangga, kapag panahon na ng pamumunga nito.