Hugot ng netizen sa ‘pandededma’ sa dulong slice ng loaf bread, kinaaliwan




Imahe mula sa Facebook account ni Inah Daz Lima / Public Domain Image
  • Kinaaliwan ang ‘hugot’ ng netizen sa ‘pandededma’ ng marami sa pinakailalim na loaf bread
  • Minsan daw, nararanasan ng tao na kaya lamang siya pinipili ay dahil wala nang ibang pagpipilian
  • Relate–much naman dito ang ilan, lalo na ang mga ‘sawi’ sa pag–ibig

Isa sa mga paboritong pagkain ng mga Pilipino tuwing agahan at meryenda, bukod sa kanin, ay ang mga tinapay. Kung susuriin ang mga produktong pagkain sa mga supermarkets at grocery stores, isa sa mga pinakamabiling tinapay ay ang bread pan. Bukod sa aroma, maaari kasing kainin ang mga loafs nito nang walang palaman, may palaman, o pag–eksperimentuhan ng iba pang mga snacks, habang nasa loob ang lahat ng kani–kanilang tahanan.

Kaya naman, napansin ng isang netizen na nagngangalang “Inah” na kadalasang ang hinuhuling kainin, o kadalasan ay hindi pinapansin, ay ang magkabilaang-dulo ng loaf bread. May “hugot” tuloy siya rito. Ito raw ang slice na pinipili kapag ubos na ang pamimilian.

“Ouch” ‘di ba? Ibinahagi niya ito sa kaniyang Facebook post.

Imahe mula sa Facebook account ni Inah Daz Lima / Public Domain Image

“Heto talaga yung patunay na kahit ikaw pa ang nauna hindi ka pipiliin eh. Oo sa huli ikaw na ang pipiliin… kasi nga no choice na, iyak HAHAHAHAHA,” ayon sa caption ng kaniyang ibinahaging larawan.

Umani naman  ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens na naka–relate much dito.

“Ay naku! Legit iyan. Minsan, paubos na ‘yung buong tinapay, hindi pa rin iyan ang pinipili. Minsan nga hindi na iyan kinakain eh. It’s either ipapakain sa aso o itatapon na lang. Saklap no?” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Ewan ko, pero ako, iyan ang pinakapaborito ko sa mga loaf bread, sarap lagyan ng makapal na palaman.”

“Ako naman, paborito kong kinakain iyan sa huli. Masarap kasi eh. May konsepto naman tayo ng ‘Save the best for last, ‘di ba? So, minsan, hindi tayo ang pinipili, pero darating din ang panahon na mapagtatanto nilang tayo pala ang dapat pinili kasi best tayo! Hahaha. Napakalalim na hugot niyan ah,” hugot ng isa.

Samantala, isang nagngangalang “Kamille” ang nagbigay rin ng katulad na hugot. Ayon naman sa kaniya, “Hindi porke’t nauna ka, pipiliin ka.”

Imahe mula sa Twitter / Public Domain Image

Ang tinapay ay likha mula sa dough ng pinagsama–samang harina, itlog, tubig, at pampaalsa. Ayon sa kasaysayan, isa ang tinapay sa mga pinakamatandang man–made na pagkain sa iba’t ibang panig ng daigdig, na may mahalagang gampanin at simbolo rin sa mga ritwal panrelihiyon.