Galawang legend: Naranasan mo rin bang kumain ng spaghetti at pansit nang hindi ito inaalis sa sisidlang plastic?




Larawan mula sa Facebook post ni Joven Costacio
  • Binalikan ng mga batang 90s at 2000s ang kanilang kakaibang diskarte sa pagkain ng biniling pagkain sa kantina
  • Kapag kasi walang dalang baunan o kubyertos, diretso nang kinakain ng mga bata noon ang biniling meryenda o almusal mula sa plastic
  • Marami naman ang nagsabing ginagawa talaga nila ito noon habang ang ilan ay patuloy daw sa ganitong pamamaraan kahit hanggang ngayon

Kaakibat ng alaala ng kabataan natin ay ang mga diskarte at aktibidad nating masayang gawin kahit alam nating hindi iyon ang normal. Minsan, masarap tumakas kapag pinagsi-siesta ni nanay o magtulog-tulugan. Minsan din, masarap na umistambay muna sa bahay ng kalaro kahit na pinabibili tayo ng mga magulang natin sa tindahan.

Ang mga ganitong alaala ay masasabing isang solid na kalok0han ng mga bata noon. At maging sa pagkain, mayroon ding kakaibang gawain ang mga kabataan na masarap sariwain sa kasalukuyan.

Ito ang binalikan sa post ni Joven Costacio sa Facebook group na We are 90’s.

Larawan mula sa Facebook post ni Joven Costacio

Nagbahagi siya ng larawan kung paano kainin ang mga tindang meryenda at almusal noon sa eskwela — ang pansit at spaghetti. Kung ngayon ay uso ang mga paper containers sa mga itinitindang pagkain, noon ay nakalabalot lang ito sa plastic.

Dahil walang dalang kubyertos o anumang lagayan, direktang kinakain ng mga bata noon ang pagkain nila mula sa plastic. Bubutasan lang nila ang dulo nito at doon ay lalabas ang bawat hibla ng pansit o spaghetti.

Maraming batang 90s at 2000s naman ang naka-relate. Agad ngang umani ng maraming reactions ang post na nasa 1,200 na ngayon kasama ang 200 comments at 300 shares. Ibinigay din ng mga miyembro ng group ang kanilang karanasan.

Ayon sa kanila, ginawa rin daw nila ito noon, lalo na noong nasa eskwela pa. Madalas daw kasi, hindi sila nakapag-aalmusal kapag late na kaya naman ganito ang madalas nilang ginagawa sa binalot na almusal na binili sa paligid ng school.

Larawan mula sa Flickr

Ang mga boys naman na patagong kumakain sa klase, ganito rin ang ginagawa. Bago raw sila pumasok sa room ay may baon na silang spaghetti o pansit. O ‘di kaya naman ay ganito ang diskarte nila kapag tapos na ang recess ay hindi pa nila nauubos ang kanilang pagkain.

Mayroon din naman daw na netizen na hanggang ngayon ay ganito ang gawain. Kapag daw papasok sa work at mahuhuli na, spaghetti and pansit on the go daw ang kanilang takbuhan. Ang mahalaga ay nabubusog ka, ‘di ba?