Epekto ng COVID-19: Okada Manila magbabawas ng mahigit 1,000 empleyado




Imahe mula sa Okada Manila Facebook page
  • Matapos man ang community quarantine, isa sa mga kinatatakutan ng mga manggagawang Pilipino ay ang retrenchment o ang pagbabawas ng mga tauhan sa isang kompanya
  • Marami kasing negosyo ang nalugi dulot ng COVID-19 at upang makasabay sa “new normal,” ilan sa mga kompanya ay kailangan nang magbawas ng empleyado
  • Ang Okada Manila ay nag-anunsiyo na ukol sa plano nilang pagbabawas ng mahigit 1,000 empleyado

Dahil maraming negosyo ang nalugi at patuloy na nalulugi bunsod ng COVID-19, may mga kompanya na rin ang isinasaalang-alang ang retrenchment o ang pagbabawas ng mga empleyado.

Isa sa mga kompanyang nag-anunsiyo ng hindi magandang balitang gaya nito ay ang Okada Manila.

Imahe mula sa Okada Manila Facebook page

Sa isang liham ni Takashi Oya, presidente ng Okada Manila, malungkot nitong ibinalita ang pagbabawas sa kanilang mga empleyado sa pamamagitan ng retrenchment program. Ito raw ang realidad na dulot ng “new normal.”

“Not having any revenues since the lockdown has been financially draining and caused severe losses to the Company, and if this is not addressed, its losses will pile up,” ayon sa isang bahagi ng liham.

Malaki rin umano ang magbabago sa kung paano ang magiging bagong kalakaran sa Okada Manila na nangangahulugan ng mas maliit na lamang na bilang ng trabahador.

“For it to remain viable business, it will have to let go of more than 1,000 employees,” ayon pa rito.

Sa kabila nito, nilinaw ni Oya na ang mabigat na desisyong iyon ay hindi repleksiyon kung paano magtrabaho ang kaniyang mga “team members.”

“Many of you have contributed significantly, dating back to the pre-opening days, and Okada Manila will be forever grateful to your commitment,” paliwanag ni Oya.

Ang mga maaapektuhang empleyado ay makatatanggap umano ng notice mula sa Hunyo 15 at makatatanggap ng separation pay sang-ayon sa batas.

“For those who will remain, they will continue to build Okada Manila’s readiness to the new normal and provide that same Five-Star experience that it is known for.

Imahe mula sa Okada Manila Facebook page

Lubos ang pasasalamat ni Oya sa patuloy na suporta at dedikasyon ng mga manggagawa. Kahit hindi pa tapos ang laban sa COVID-19, naniniwala siyang mapagtatagumpayan pa rin natin ito.

Ang Okada Manila ay isang casino resort at hotel sa Parañaque City.