Enjoy sa amoy: Isa ka rin ba sa mga naaliw sa ‘rub it’ pages ng mga brochure ng AVON noon?




Larawan mula sa Facebook
  • Bago pa man sumikat ang online selling, una munang sumikat ang kompanyang AVON
  • At ang AVON ay pinauso rin ang pag-order sa pamamagitan ng kanilang makulay na brochure
  • Sa mga brochure na ito, mayroong rub it pages sa perfume section kung saan maaaring maamoy ang pabango

Hindi maitatanggi na bago pa man mauso ang mga online store at online selling, naging sikat muna ang pagpapa-order sa mga direct selling stores tulad ng brand na AVON. Maraming mga nanay at mga kababayan nating gustong kumita ng extra ang minsan nang sinubukan ang pagbebenta ng produkto mula sa nasabing kompanya.

At ang isa sa mga naging trademark ng AVON ay ang kanilang brochure. Mula sa makinis at makulay na pahina, hanggang sa mga nakukuhang endorser na artista, ay talaga namang nagbibigay ng aliw sa sinumang tumitingin—bumibili man ng produkto o hindi.

Larawan mula sa Facebook

Pero sa mga wala talagang pambili, may ilang inaaliw na lang ang sarili sa isang paraan kung saan nararanasan na rin nila ang produkto, lalo na ang mga pabango. Mayroon kasing mga rub it pages ang section ng mga pabango upang malaman ng mga customer ang amoy nito.

Kailangan mo lamang ikuskos ang iyong daliri sa rub it logo o sa mismong larawan ng bote ng pabango upang maamoy ito. Epektibo naman ang marketing strategy na ito dahil talaga namang maaamoy mo ang pabango sa pamamagitan lamang ng pagkuskos.

Dahil marami ang binebentang pabango sa brochure ng AVON, hindi naman lahat ay mayroong rub it tester. Ang ilan, lalo na iyong mga sikat na ay karaniwang wala nang pa-sample. Kadalasang nakikita ito sa mga bago nilang likhang pabango at wala pang gaanong tumatangkilik.

Makulay ang bawat pahina ng mga brochure ng AVON kaya naman madalas din itong dalhin ng mga mag-aaral sa eskwela bilang materyal sa kung ano-anong art projects at maaari ding pangdekorasyon. At kapag nagdala ng brochure sa paaralan, hindi pwedeng hindi titingnan ng mga magkakaklase ang rub it pages.

Larawan mula sa Facebook

Aliw na aliw ang mga magkakaklase sa pagsub0k sa mga mababangong pahina ng brochure. Nagtataka ang iba, lalo na ang mga bata, kung bakit tila hindi nauubos ang amoy sa rub it pages. Karaniwan ding pinaghahalinhinan nila ang mga daliri sa pagkiskis dahil ang ibang daliri ay mayroon pang amoy ng ibang pabango.

Sa ngayon ay mayroon pa ring rub it pages sa mga brochure ng AVON at marami pa ring kabataan ang manghang-mangha sa mga pahinang ito ng sikat na beauty brand.

Aminin! Minsan ka na ring nagkiskis mga ng daliri mo sa rub it pages, hindi ba?