DepEd, ipinaliwanag ang magiging bagong sistema o “new normal” pagdating sa usaping pang-edukasyon




Imahe mula sa Pixabay
  • Ipinaliwanag ng isa sa mga kawani ng DepEd kung paano ang magiging sistem o “new normal” pagdating sa usaping edukasyon
  • Ayon kay Education Undersecretary Diosdado San Antonio, naghahanda na sila para i-train ang mga guro sa paggamit ng iba’t ibang resources at technology upang makapagturo sa mga mag-aaral kahit wala ang mga ito sa paaralan
  • Dagdag pa niya, mag-i-schedule lamang sila ng pasok para sa limitadong bilang ng mga mag-aaral sa isang araw habang ang iba ay nakatakdang gumamit ng mga resources para sa home-based learning

Inanunsiyo na ng Department of Education (DepEd) ang pagbabalik-eskuwela ng mga pampublikong mag-aaral para sa school year 2020-2021 sa darating na August 24.

Imahe mula sa Pixabay

Dahil naman wala pa ring kasiguraduhan sa proteksiyong pangkalusugan para sa mga napapabilang sa education sector, ipinaliwanag ng isa sa mga kawani ng ahensiya kung paano ang nakikita nilang magiging bagong sistema o “new normal” sa darating na Balik-Eskuwela 2020.

“Hindi sila sabay-sabay, magii-schedule lang po tayo na sa isang araw ay ganito lang (for example) 15 maximum na magaaral ang kausap ng teacher,” ani Education Undersecretary Diosdado San Antonio sa kaniyang panayam sa programang Unang Hirit ng GMA.

“Sa susunod na araw, isang group ulit. At sa mga natitirang araw ng linggo ay mayroong gagamitin na materials for home-based learning,” dagdag pa niya.

Ite-train din umano nila ang mga guro upang maisagawa ng maayos ang iba’t ibang pagsasanay sa mga bata sa ilalim ng flexible learning.

Ayon kay Usec. San Antonio, hindi lamang sila magre-rely online para makapagturo sa mga mag-aaral na wala sa paaralan.

“Hindi lang online ang paraan ng pagbibigay ng basic education. Naghahanda po tayo ng mga printed modules na gagamitin doon sa mga lugar at sa mga pamilya na wala pong access sa internet,” aniya.

“Gagamitin natin yung tinatawag nating TV broadcast at radio-based instruction na dati nang ginagamit natin sa alternative learning system lamang. Kasama po ito sa mga bagay na ibibigay natin sa mga kapwa nating guro at sa mga DepEd officials,” sagot naman ni San Antonio nang tanungin ito kung paano sila magtuturo sa mga batang nakatira sa bundok at iba pang remote areas.

Iginiit din ni Usec. San Antonio na mananatiling libre ang tuition ng mga mag-aaral na nasa public schools. Nirerespeto din umano nila ang karapatan ng private schools na mag-determine kung magkano ang magiging tuition rates nila.

“Alam nila na, siyempre, kung napakataas ‘yun ay wala na silang makukuha [na enrollees], so they have to make sure na yung mga isisingil nila kung magtataas man sila ay reasonable at dadaan sa syempre consulation with parents at pinag-usapan,” pahayag ng opisyal.

Source :

GMA, Facebook