Dabarkads Luane Dy at Kapuso actor Carlo Gonzales, ipinabatid sa fans ang pagdating ng kanilang baby boy




Larawan mula sa Instagram post ni Luane Dy
  • Ipinabatid ng Kapuso couple na sina Luane Dy at Carlo Gonzales ang pagdating ng kanilang baby boy
  • Kapuwa nagbigay ng mensahe sa kanilang anak sina Carlo at Luane sa pamamagitan ng Instagram post
  • Masaya naman ang fans, kaibigan, at mga kasamahan sa trabaho nila sa bagong biyaya sa kanila

Masayang inanunsiyo ng Eat Bulaga host at GMA News and Public Affairs showbiz anchor na si Luane Dy ang pagdating ng kanilang baby boy ng fiancé at Kapuso actor na si Carlo Gonzales. Bagama’t hindi pa ipinakikita ni Luane ang mukha ng kanilang baby, ipinaabot niya sa pamamagitan ng isang Instagram post ang matagumpay niyang pagsilang sa anak nila ni Carlo.

Kamay lang ng anak nila ang ipinakita ni Luane ngunit ang kanyang mensaheng isinulat para sa kanyang anak ang umantig sa mga fans at netizens. Ayon sa first time mom na si Luane, nagpapasalamat siya sa ligayang hatid ng kanilang panganay at ito raw ang saysay ng kanyang buhay.

Larawan mula sa Instagram post ni Luane Dy

“Anak, salamat sa ligayang iyong dala. Nawa’y hindi tayo mawalay hanggang sa aking pagtanda. Buong buhay kong pagmamahal sayo’y ipadarama. Masuklian lamang sa aki’y tunay mong halaga. Ikaw ang buhay ng aking buhay sinta. Tunay, mahal na mahal kita,” pahayag ni Luane sa kanyang post.

Ganito rin ang naging diwa ng post ni Carlo. Pahayag nito sa post, ang pagdating daw ng anak ay ang pagdating ng kahulugan ng kanyang buhay. Ipinabtid rin ng Descendants of the Sun actor ang pagmamahal sa kanyang anak.

“My legacy. My fervor. My entirety. My splendor. You are my life’s meaning. The purpose of my being. Like your name on my skin. I am with you thru thick and thin. I love you son. Mahal na mahal kita,” pahayag ni Carlo.

Nakatanggap naman ng pagbati ang Kapuso couple mula sa mga kasamahan sa industriya. Hindi nagpahuli sa pagbati ang Unang Hirit family ni Luane kabilang sina Arnold Clavio, Suzi Entrata, Connie Sison, at Raffy Tima. May pagbati rin ang Dabarkads niya tulad nina Ruby Rodriguez, Taki Saito, at Allan K.

Larawan mula sa Instagram post ni Carlo Gonzales

Masaya rin ang mga kapuwa Kapuso ni Carlo sa bagong biyayang natanggap. Nagpaabot ng masayang mensahe sina Ruru Madrid, Max Collins, Rocco Nacino, Arra San Agustin, Carla Abellana, Diana Zubiri, at Rodjun Cruz.

Engaged na ang dalawa noong Marso 2019 pa. Noong Disyembre naman inanunsiyo ni Luane na magkakaroon na sila ng anak ni Carlo. Nakatakda ang kanilang church wedding sa Disyembre 2020.