Carla Abellana, ibinahagi ang talento at pagsisikap ni Tom Rodriguez para sa #GuhitPantawid




Mga imahe mula sa Instagram accounts nina Tom Rodriguez at Carla Abellana
  • Sa panahon ng COVID-19, kabilang si Tom Rodriguez sa mga artistang patuloy na ginagamit ang talento para makatulong sa kapuwa
  • Isa si Tom sa mga volunteers ng Guhit Pantawid na layuning makalikom ng donasyon para sa mga jeepney drivers, street vendors, at construction workers
  • Bilang supportive girlfriend, ibinahagi ni Carla Abellana kung paano pinagsisikapan ni Tom ang pagguhit para sa mga nagbigay ng kanilang mga donasyon

Para makatulong sa kapuwa, nakiisa si Tom Rodriguez sa kampanyang “Guhit Pantawid: Portraits for a Cause.” Ang mga benepisyonaryo nito ay ang mga jeepney drivers, street vendors, at construction workers.

Sa pamamagitan lamang ng pagbibigay ng donasyon na hindi bababa sa ₱500, maaaring mag-request ng sariling portrait na ginuhit ng mga volunteer artists kung saan kabilang ang aktor.

Imahe mula sa Instagram account ni Carla Abellana

Ibinahagi ng kaniyang kasintahang si Carla kung paano pinagbubuhusan ng oras at lakas ni Tom ang mga portrait. Bukod pa rito ang kasipagan ni Tom sa mga gawaing-bahay.

“Bilib ako dito. Mahigit isang buwan na niyang pinaghihirapan at pinagpupuyatan ang #GuhitPantawid,” pambungad ni Carla sa kaniyang latest Instagram post.

Ayon pa sa dalaga, bagama’t abala at pagod na sa pagguhit ay nagagawa pa rin umanong gumising nang maaga ni Tom at gawin ang mga nakasanayang mga gawain sa bahay.

Binigyang-linaw rin ni Carla na kahit umabot ng 100 portraits ang kailangang tapusin ni Tom ay libre itong ginagawa ng aktor.

“Akala ng marami nagbayad sila kay Tom para gawin ang larawan nila. Hindi po. Ang panggastos po ng mga tsuper at street vendors ang binayaran niyo po. Hindi po ang larawan niyo na gawa ni Tom. Libre niya pong ginagawa ito para sa inyo,” paliwanag ni Carla.

Inamin din ni Carla na may mga pagkakataon na umaabot sa tatlong araw para lamang matapos ni Tom ang isang larawan.

“Hindi po di-copy paste at basta-bastang tracing lang po. Iba’t-ibang istilo pa po ng pag drawing ang ginagawa niya. May mala-anime, may ala-disney, may ala-watercolor, atbp. Ang galing,” dagdag ng aktres.

Imahe mula sa Instagram account ni Tom Rodriguez

Hiniling din ng aktres na pagpasensiyahan ng mga nag-donate at nagpagawa ng portrait kung natatagalan ang paggawa.

“Hindi din po namin inakalang ang dami pong magdo-donate kaya medyo nabigla po siya. Pero maraming salamat po. Konting hintay na lang po at makukuha niyo na rin po ang inyong #GuhitPantawid,” paliwanag ni Carla.