Anong kulang? Larawan ng naiibang leche flan, nagdulot ng palaisipan




Imahe mula sa Facebook account ni Angeline Cabrera
  • Kinatuwaan ng mga netizens ang leche flan ng isang netizen
  • Nagmukha kasi itong “baked scrambled egg”
  • Kaniya–kaniya namang komento ang mga netizens hinggil dito

Isa sa mga masasarap gawin tuwing papasok ang tag–init ang pagkain ng mga dessert o panghimagas na pagkain gaya ng leche flan. Simple lamang naman ang paggawa nito at madali pang hanapin ang mga sangkap o rekado. Subalit syempre, hinay–hinay lamang din sa paglantak nito dahil anumang labis ay nakasasama.

Kaya naman nagbunsod ng katatawan sa social media ang homemade leche flan ng isang netizen na nagngangalang “Angeline Alvarez Cabrera” matapos niya itong ibahagi sa kaniyang Facebook post.

Hindi kasi malaman kung may labis o may kulang sa ginawa niya. Imbes na leche flan, nagmukha itong scrambled eggs.

Imahe mula sa Facebook account ni Angeline Alvarez Cabrera

Ayon sa kaniyang caption, “Yung leche flan kong mas mukha pang binateng itlog… #minatamisnaitlog”

Nagbigay ng kani–kanilang komento at saloobin ang iba pang mga netizens tungkol dito, lalo na ang mga mahihilig sa pagkain ng leche flan.

“Napasobra iyan ng egg. Ganiyan din sa akin hahahaha,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Hahaha pinagsama yata niya ang egg yolk at egg white hahaha. Baked scrambled egg ang tawag diyan hahahaha.”

“Una, hindi na–strain ng ilang beses kaya puro bubbles at na-over beat, then hindi pa kumulo ang water inilagay na sa steamer at malakas ang apoy kaya biglang kulo ang tubig. Kahit may takip iyan magiging mukhang scrambled eggs kapag yung process hindi naayon. Okay lang iyan sis. Give it another try. Walang perfect agad sa kahit anong bagay,” payo naman ng isa.

Ang leche flan ay isang dessert na gawa sa mga itlog at gatas na may soft caramel sa ibabaw nito. Kahalintulad ito ng creme caramel at caramel custard na sikat sa ibang bansa. Tinatawag naman “llanera” ang hugis–oblong na lalagyan at nagsisilbing hulmahan nito.

Paano nga ba gumawa ng masarap na leche flan?

Simulan sa pagkukumpleto sa mga sangkap at kasangkapan. Batiin ang egg yolks sa isang mixing bowl. Maaaring gamitin ang tinidor, hand mixer, o stand mixer. Dahan–dahang ilagay ang gatas. Magsimula sa condensed milk, isunod ang fresh milk at vanilla extract. Ipagpatuloy lamang ang paghalo sa mga ito hanggang sa maging well–blended.

Public Domain Image

Ihanda ang llanera o baking pan at lagyan ng asukal sa loob nito.  Painitin ito sa stove. Tiyakin na may kitchen gloves upang maprotektahan ang mga kamay mula sa pagkapaso. Kailangang maging caramel ang pinainitang asukal. Ikalat ang caramel sa llanera. Dahan–dahang ilagay ang mixture sa bawat mold at takpan ito ng foil.

Sumunod na proseso, pasingawin ang bawat mold. Salansanin itong mabuti sa loob ng steamer at pasingawan sa loob ng 30 minuto. Hayaan itong palamigin muna bago ilagay sa loob ng refrigerator. Maaari itong kainin o kaya naman ay pagkakitaan. Enjoy!