Aktuwal na bahay na kamukha ng drawing natin noong mga bata tayo, namataan; naghatid ng good vibes online




Larawan mula sa Facebook post ni Fred Beach
  • Trending sa social media ang larawan ng isang bahay na kamukha ng drawing natin noong mga musmos pa tayo
  • Ang bahay na ito ay may manipis na bubong, magkakalayong bintana, at may kahabaan
  • Maraming netizens naman ang naka-relate at na-good vibes sa larawan ng bahay na iyon

Bahagi ng mga araw natin sa paaralan ang pagguhit. Simula noong nasa preparatory school tayo, hanggang sa matapos sa haiskul ay mayroong mga bagay na kailangang iguhit. Ngunit noong kinder at elementarya, isa sa mga paborito nating iguhit ay mga bahay.

Nakapag-drawing ka rin ba ng bahay noong bata ka? Kung medyo malikhain ka ay lalagyan mo pa ng puno sa gilid ng bahay. Puwede rin namang lagyan ng dalawang bundok sa likod at sa gitna nito ay may-araw.

Larawan mula sa Facebook post ni Fred Beach

Pero ang kakaiba sa guhit na bahay noong bata tayo ay wala tayong pakialam sa sukat at maging sa haba ng bahay. Basta mayroong bubong, may haligi, may pinto, at may bintana, para sa atin ay isang maayos na guhit na ito ng bahay.

Pero kung sa akala mo ay hanggang drawing na lang ang mga bahay na ginagawa natin noon, nagkakamali ka. Isang larawan ng bahay ang umiikot ngayon sa social media na kahawig ng mga drawing natin noong bata tayo na kinaaliwan naman ngayon.

Sa post ni Fred Beach, isang residente ng Amerika, nakita na raw niya ang totoong bahay na iginuhit niya noong siya ay nasa Grade 2. Tulad kasi ng mga drawing ng mga bata, ang bahay ay mahaba, mayroong manipis na bubong, at mayroong layo-layong bintana na nasa magkabilang gilid lang.

“Just found the house I drew in second grade,” pahayag ni Fred sa kanyang post na nag-trending naman dahil marami ang naka-relate, kabilang na ang mga Pilipino.

Sa kasalukuyan, mayroon na itong higit 8,300 reactions at 19,000 shares. Marami ring mga Pilipino ang nagbabahagi ng larawan, kasabay ang komento na kahawig nga talaga ito ng kanilang ‘dream house’ noong sila ay bata pa.

Ayon sa ilan, nag-e-exist daw pala talaga ang bahay sa isip ng mga bata noon. Masaya naman ang ilan at na-good vibes na natagpuan ito ni Fred at naisipang ibahagi sa social media. Ang sarap daw maging bata muli na tamang drawing lang ng bahay ay masaya na kahit hindi ito maganda.