Mayor Isko Moreno Domagoso nanawagan sa mga opisyal ng barangay sa Maynila na magpatuloy sa paglilingkod




Imahe mula sa Facebook | Mayor Isko Moreno Domagoso
  • Itinuturing man bilang pinakamaliit na yunit ng ating lipunan, napakahalaga ng mga gampanin ng bawat barangay sa Pilipinas
  • Alam ito ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso kaya patuloy niyang hinihikayat ang mga opisyal ng barangay sa kanilang lungsod upang patuloy na makapaglingkod
  • Sa panahon ng COVID-19, nais ni Mayor Isko na maramdaman ng mga Manilenyo ang pagtupad sa tungkulin ng mga halal na opisyal ng bawat barangay

Malaking tulong para sa lokal at pambansang pamahalaan ang pagkakaroon ng mga tapat na opisyal sa bawat barangay. Sila ang agarang makapagpapaabot ng tulong sa mga mamamayan lalo na sa panahon ng COVID-19.

Imahe mula sa Facebook page ni Mayor Isko Moreno Domagoso

Gayunman, sa kabila ng mga pagsisikap para matamo ang matuwid na pamamalakad, marami sa mga opisyal ng barangay ang harapang nakararanas ng mga batikos mula sa kanilang mga nasasakupan.

Sa kabila nito, positibo ang pananaw ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso sa mga opisyal ng 897 barangay sa lungsod.

Sa isang Facebook post, nagbigay ng mahalagang mensahe si Yorme para sa mga katuwang niya sa pamumuno sa Maynila.

“Para sa mga barangay officials ng Lungsod ng Maynila: Alam ko pong nakakatanggap kayo ng batikos sa barangay niyo, nasa kakaibang krisis tayo, itong sitwasyon natin kailangan ng mahabang pasensya. What matters most is you’re doing your job,” panimula ng mayor.

Ipinaalala rin ni Mayor Isko na hindi lahat ay papanig sa atin ngunit may mga dapat at angkop na gawain ukol sa kasalukuyang sitwasyon ng ating bansa. Hinikayat dinniya ang mga opisyal na tulungan ang mga Manilenyo sa abot ng kanilang makakaya.

“We cannot please everybody. Ang kailangang umiral sa atin ay hindi posisyon, ang kailangan natin ay pagmamahal at malasakit. Go on, help our people. Nothing more, nothing less,” paliwanag niya.

Imahe mula sa Facebook page ni Mayor Isko Moreno Domagoso

Kahit wala pang malinaw na solusyon para malabanan ang COVID-19, hangad ni Mayor Isko na magpapatuloy pa rin ang paglilingkod ng mga opisyal ng barangay.

“Sa sitwasyon natin ngayon walang kahit sino ang kayang masolusyunan na mag-isa ang problemang ito. Habaan ang pasensya at patuloy po tayong maglingkod. Iparamdam ninyo na may gobyerno ang Lungsod ng Maynila,” pagwawakas ng butihing mayor.