Walang katulad na pagmamahal: Larawan ng lalaki habang yakap ang kanyang aso, umantig sa netizens




Larawan mula sa Facebook post ni Yummy Dingding
  • Trending sa social media ang larawan ng isang amo na niyayakap ang kanyang alagang aso
  • Makikita kasi na mahal na mahal din ng aso ang kanyang amo dahil sa reaksiyon ng mukha nito
  • Marami naman ang napagtanto na tunay at walang katulad talaga ang pagmamahal ng mga alaga sa kanilang amo

Sa panahong maraming suliranin ang mga Pilipino, mayaman man o walang pera, kanya-kanya tayo ng diskarte upang sandaling takasan ang mundo at humanap ng mga dahilan upang maging masaya. Ang iba ay nakikita ang ligaya sa pagtulong sa iba, habang ang ilan naman ay ipinadarama sa kanilang mga kaanak ang pagmamahal ngayong magkakabuklod ang karamihan sa atin.

Pero para sa mga fur parents o iyong may mga alagang hayop, ang kanilang mga alaga ang isa sa mga pinanggagalingan ng kanilang kasiyahan sa mga panahong ito. Ganito ang diwa ng larawang ibinihagi ng isang social media user na ipinababatid na may tunay na kaligayahan sa pag-aalaga ng hayop.

Larawan mula sa Facebook post ni Yummy Dingding

In-upload ni Yummie Dingding sa kanyang Facebook account ang larawan ng isang lalaki na mahigpit ang pagkakayakap sa kanyang alagang aso. Ang aso naman na isang aspin o asong Pinoy, ay ramdam na ramdam ang yakap sa kanya ng amo at nakapikit pa.

“Be kind to every kind, not just mankind,” sabi ni Yummie sa kanyang post na umani na ng 9,200 reactions na karamihan ay ‘l0ve’ at 10,000 shares ilang araw matapos i-upload.

Maraming netizens ang naantig at na-good vibes sa larawan. Ayon sa kanila, hindi raw talaga tayo binibigo ng mga alaga natin, anuman ang pagdaanan natin. Lagi silang nariyan upang maging kaagapay natin at bigyan tayo ng ngiti sa bawat hamong haharapin natin.

Relate na relate kasi ang mga fur parents dahil alam nila kung paano magmahal nang tunay ang kanilang mga alaga. Sa panahong nasa bahay lang ang marami sa atin, nagagawa ng mga aso, pusa, at iba pang alaga natin na maibigay ang sayang kailangan natin upang makatas sa mga pr0blema.

Larawan mula sa Pexels

“People who love animals, have the biggest love to share,” sabi ng isang netizen na nagbahagi ng larawan ng aso at ng kanyang amo.

Marami din ang nagpasalamat at humanga kay Yummie dahil sa kanyang kuhang larawan. Ayon sa kanila, mahusay siya dahil naaktuhan niya ang pagpapakita ng tunay na pagmamahal ng amo sa alaga nito, at ng alaga sa kanyang matalik na kaibigan.