UP-NIH, makagagawa raw ng 8,000 COVID-19 test kits sa isang araw; pasok sa target ng DOH na 8,000 tests araw-araw




Larawan mula sa PNA
  • Inihayag ng FDA na kayang gumawa ng UP – NIH na makagawa ng 8,000 test kits kada araw
  • Pasok ito sa target ng DOH na makagawa ng 8,000 test kada araw sa pagtatapos ng buwan
  • Mas mura din ang gawang test kits ng mga taga-UP-NIH kaysa sa mga gawang test kits abroad

Tumugon na ang Department of Health (DOH) sa panawagan ng mga health experts maging ng mga mamamayan na magkaroon ng mass testing sa buong bansa para sa mga may hinihinalang kaso ng C0VID-19. Ito ay dahil sa marami nang test kits ang ahensiya na mula sa pinagsama-samang suplay mula sa ibang bansa at sa mga likha ng mga siyentipiko mula sa University of the Philippines (UP).

Inanunsiyo ng Food and Drug Administration (FDA) na kaya nang makalikha ng UP – National Institute of Health (NIH) ng 8,000 test kits sa loob lamang ng isang araw. Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, kaya na raw ng UP-NIH na gumawa ng 8,000 test kits sa isang araw, maliban pa sa kanilang unang nagawang 26,000 test kits na aprubado na para gamitin sa bansa.

Larawan mula sa PNA

Idiniin din ng FDA na ngayong mas malaki na ang local production ng test kits, mas marami na ring mga Pilipino ang makakaya ng DOH na i-test kung positibo ba o negatibo sa C0VID-19 lalo na’t balak ng ahensiya na mag-full blast ng testing at gawin ngang 8,000 kada araw ang gagawing testing.

“Ngayon ay may naka-stockpile sila na about 26,000 kits at kaya raw nila mag-produce ng mga 8,000 per day. Ang maganda nito, kung mayroon na tayong local manufacturing, mas magiging sustainable at tuloy-tuloy ang supply ng ating kits,” sabi ni Domingo sa isang panayam.

Di hamak na mas mura din ang test kits na nililikha ng mga siyentipiko mula sa UP – NIH dahil nagkakahalaga lang ang mga ito ng P1,250 kada piraso. Mas mura ito kaysa sa mga test kits na mula sa ibang bansa na nagkakahalaga ng halos P6,000 ang isa.

Ang mga likhang test kits ng UP – NHI ay nakukuha rin nang mabilis ang resulta. Tumatagal lamang ng dalawa hanggang tatlong oras para makuha ang resulta ng test kaya naman bukod sa mura ay lubhang makatutulong ito sa pag-alam ng C0VID case sa bansa.

Larawan mula sa PNA

Nauna nang sinabi ng DOH na target nilang makagawa ng 3,000 tests sa isang araw sa kalagitnaan ng Abril at iakyat ito sa 8,000 sa pagtatapos ng buwan upang matugunan ang mass testing na ipinananawagan ng publiko.

Isa sa mga inaasahan ng DOH na makapagpapalawig ng kanilang C0VID-19 testing ay ang mga testing kits na gawa ng mga taga-UP.