Sen. Tito Sotto, may sagot sa ‘paghahanap’ ni Mayor Isko Moreno sa mga senador sa gitna ng laban kontra COVID-19




Imahe mula sa Facebook page ni Senator Vicente 'Tito' Sotto III
  • Kamakailan ay nanawagan si Mayor Isko Moreno sa 24 senador at iba pang politiko sa gitna ng laban ng gobyerno sa COVID-19
  • Tila nais umanong palabasin ng mayor na walang ginagawa ang senado at iba pang politiko para matulungan ang mga Pilipino
  • Agad namang naglabas ng pahayag si Senate President “Tito” Sotto at mariing sinabi na tumutulong sila sa tahimik na paraan

Hindi nagustuhan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang tila panghahamon ni Manila City Mayor Isko Moreno sa 24 senador nang hanapin niya ang mga ito sa gitna ng laban ng gobyerno sa COVID-19.

Imahe mula sa Wikimedia

“Mga kababayan, bilang Pangulo ng Senado, nais ko po, una sa lahat, pasalamatan ang lahat ng ating mamamayan lalo na ang mga tagapangalaga ng kalusugan na tumutulong nang taos puso at walang pagyayabang,” pambungad na pahayag ng senador sa isang press statement.

Dagdag pa niya, “Ang pagtulong sa kapwa na walang hinihintay na kapalit o papuri ay tunay na dakila.”

May sunod din siyang mensahe para sa ilang naghahanap at nananawagan sa mga senador at politiko na kumilos.

“Sa Senado nanggaling ang mungkahi na magkaroon ng special session upang mabigyan ng mabilisang ayuda ang ating mga kababayan,” paliwanag ni Sotto.

Aniya, karamihan sa mga kasama niya sa Senado, naka-quarantine man o hindi, ay tahimik na tumutulong sa iba’t ibang lugar mula sa kanilang personal na kapasidad.

“Wala kaming mga media na nakabuntot sa amin 24 oras para maka-epal lang sa panahon ng COVID-19,” dagdag pa nito.

Batid umano nila na hindi ito ang panahon para magpasikat o magpagalingan. Sang-ayon din si Sotto na bawal ang pamumulitika kaya nanawagan din siya sa mga kapwa politiko na huwag gamitin ang sitwasyon para sa mga pansariling ambisyon.

“Tigilan natin ang pagpapacover ng ating mga ginagawa, ito naman ay ating sinumpaang tungkulin. Tigilan muna ang pagiging epal at pagiging KSP,” ayon pa kay Sotto.

Imahe mula sa Facebook page ni Senator Vicente ‘Tito’ Sotto III

Binigyang-diin din ng senador ang panawagan na ibuhos ang lahat ng kakayahan at lakas ng mga politiko sa tunay na serbisyo publiko, may nakatingin man o wala.

Tinitiyak din ni Sotto na ang mga senador ay gumagawa ng mga hakbang upang makatulong sa administrasyon tungo sa mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng mga Pilipino.