SEA Games medalist at fencer na si Maxine Esteban, ibinigay ang kanyang 2019 PSC salary para sa frontliners




Larawan mula sa UAAP
  • Ibinahagi ng SEA Games medalist na si Maxine Esteban ang kanyang sahod at insentibo bilang isang atleta
  • Dahil dito, nakabuo si Maxine ng kalahating milyon para ibahagi sa mga kapos at mga medical frontliners
  • Nagkamit si Maxine ng bronze sa nakaraang SEA Games habang champion naman sa UAAP

Bago matapos ang 2019, nagbubunyi ang buong Pilipinas dahil sa tagumpay na nakuha ng ating mga atleta sa Southeast Asian (SEA) games na ginawa rin sa bansa. Pilipinas ang itinanghal na overall champion at maraming Pinoy ang nagkamit ng karangalan para sa bansa.

At kahit walang sporting events ngayon dahil sa banta ng C0VID-19, patuloy na pinatutunayan ng mga atleta natin na kampeon sila, hindi lang sa larangan ng palakasan kung hindi pati na rin sa kawanggawa. Isa sa mga halimbawa ay ang SEA Games medalist at fencer na si Maxine Esteban.

Larawan mula sa UAAP

Bumuo ng fundraising drive si Maxine na tinawag niyang “A Small Thing Goes A Long Way” na naglalayong makatulong sa ating mga medical frontliners at pati na rin sa mga kababayan nating kailangan ng tulong.

At upang maisarado sa kalahating milyong piso ang malilikom na pondo, napagdesisyunan ni Maxine, 19 anyos, na ibigay sa donation drive niya ang kanyang Philippine Sports Commission (PSC) salary at incentive dahil sa pagkakapanalo ng bronze medal sa SEA Games.

Nasa P140,000 ang ibinahagi ni Maxine at ang P360,000 ay nalikom niya mula sa mga donasyon. Ayon sa Atenean na si Maxine, ang pondong nalikom ay ibibili nila ng bigas para sa mga kapuspalad nating mga kababayan at personal protective equipment (PPE) para sa mga medical frontliners.

Maliban sa kanilang fundraising at donation drive, nakatakda pang magsagawa ng painting auction si Maxine kasama ang kanyang mga kapatid upang makadagdag sa pondo ng mga health workers.

Larawan mula sa UAAP

Nagpasalamat din ni Maxine sa mga kaibigan at mga naging donors dahil sa malaking halagang nalikom nila. Ayon sa UAAP champion fencer, hindi raw magiging posible ang lahat ng tulong na maibibigay nila kung wala ang mga sumuporta.

Isang second year student si Maxine sa Ateneo de Manila University at kumukuha ng kursong Management Engineering. Itinanghal din siyang UAAP Season 81 Women’s Fencing Rookie of the Year at Most Valuable Player (MVP).

Source :

Inquirer, SPIN