Sana all daw: ‘Perfect’ leche flan na ubod ng kinis, nagdulot ng inggit sa mga netizens




Larawan mula sa post ng Reddit user na si NotGonnaThrowThis at YouTube
  • Trending ngayon sa social media ang larawan ng isang ‘perfect leche flan’
  • Napakakinis kasi nito at walang anumang aberya mula sa pagkakaluto hanggang sa pagsalin sa microwavable container
  • Dahil dito, maraming netizens ang napa-sana all sa kinis na taglay ng panghimagas

Dahil bored ang maraming Pilipino ngayon dahil may umiiral na enhanced community quarantine (ECQ), pagluluto ang isa sa mga mabisang libangan ng nakararami. Sarado rin kasi ang maraming restaurant at kainan kaya naman pagluluto na lang ang paraan upang ma-satisfy ang cravings ng marami.

Desserts o panghimagas ang karaniwang ginagawa ng mga Pilipino ngayon. Mabisa na kasi itong panapos ng bawat meal time, swak pang pampawi ng init ngayong summer. At kapag Pinoy panghimagas, hindi mawawala riyan ang leche flan.

Larawan mula sa post ng Reddit user na si NotGonnaThrowThis

Pero kahit na pangkaraniwan na ang leche flan sa panlasang Pinoy, isang leche flan ngayon ang trending dahil daw sa perpektong pagkakagawa rito. In-upload ng Reddit user na si NotGonnaThrowThis ang larawan ng isang leche flan na ubod ng kinis.

Napakintab ng leche flan na nakalagay sa isang microwavable na container na wala man lang kahit anong damage mula sa pagkaka-steam sa liyanera hanggang sa pagkakasalin sa lalagyan nito. Nakadagdag pa ang sugar syrup na inilagay rito para sa pagiging makinis at makintab ng tinatawag nila ngayong ‘perfect leche flan.’

Agad na nag-trending sa Reddit ang nasabing perfect leche flan. Umabot lang naman sa 3,000 upvotes o likes ang nakuha nito mula sa mga netizens. Kanya-kanya rin silang komento at pun sa nasabing nakatatakam na dessert.

May ilang netizen na tinawag ito bilang ‘Korean glass skin leche flan’ na alinsunod sa pinausong skin care routine ng mga Koreano. Ayon sa iba, alaga raw marahil ang leche flan ng mga Korean products kaya na-achieve nito ang napakinis na balat.

Larawan mula sa YouTube

Para naman sa ilan, support local ang isinisigaw. Alagang ‘Belo’ lang daw iyan kaya naman makinis. Bulalas naman ng iba, tubig-tubig lang daw para sa healthier glow. Inggit naman ang dala para sa ilan dahil mas makinis pa raw sa kanila ang ‘pinainitang’ leche flan kumpara sa kanya na alagang aircon pa.

Sa iba naman, kahit daw dessert l0ver sila, mahihirapan daw silang kainin ito. Nakapanghihinayang daw kasing padampian ng kutsara ang nasabing perfect leche flan. May ilang netizens naman na ita-try daw na magawa ang perfect leche flan kapag nagluto sila.

Source :

Reddit, Reddit Ph