Restaurant owner, pinakain ang Grab driver na nag-deliver ng suplay para sa kaniyang “free food”




Imahe mula sa Facebook account ni Rad Gonzales Pelayo II
  • Pinakain nang libre ng isang restaurant owner ang isang Grab driver na nag-deliver ng suplay sa kaniya
  • Ang naturang butihing restaurant owner ay naghahanda ng mga libreng pagkain para sa mga frontliners
  • Pinaalalahanan niya ang mga mahilig magkansela ng orders sa Grab na bigyan naman ng pagkain ang mga driver nito na nasayang ang gasolina at oras para lamang mag-deliver

Nakatutuwang isipin na sa makabagong panahon at matinding pangangailangan, masigla pa rin ang damayan at pagbabayanihan. Mula sa iba’t ibang paraan at daluyan, bumabaha ang tulong at kawanggawa hindi lamang sa mga mamamayang kinakailangan ng ayuda upang hindi magutom, kundi maging sa mga frontliners na walang takot na sumasagupa sa panganib.

Gaya na lamang ng isinalaysay ng isang restaurant owner na si “Rad Pelayo” sa kaniyang Facebook post na hindi nangiming pakainin ang isang Grab driver na naghatid ng kaniyang mga suplay para sa kaniyang “free food” para sa mga frontliners na humaharap at sumasagupa sa panganib upang mapigilan ang paglaganap ng COVID–19.

Imahe mula sa Facebook account ni Rad Gonzales Pelayo II

Ayon sa kaniyang caption, “Nagsimula na (akong)magpakain kanina sa Delivery Hero. Tinanong ko si kuya, ‘Kumain ka na ba?’ Sabi niya, ‘Opo’. Then sabi ko ‘Upo ka muna, may food kami, kain ka.’ Sobrang kita ko na gutom sya. After niya kumain, nakita ko yung glow sa face niya. Two things: wala makainan ng store o nagtitipid para sa pamilya.”

Dagdag pa niya para sa mga taong mahilig magkansela ng mga order sa Grab, “Please don’t cancel order, bigyan n’yo din sila maski prutas or any food…”

Hindi na bago para sa naturang restaurant owner ang pagtulong sa kapwa. Sa katunayan, bilang may–ari at Managing Director ng “H Cafe and Events Place” sa ilalim ng “Healthy Meals PH”, nagbibigay rin sila ng libreng pagkain para sa mga frontliners.

““In our small little ways, we were able to help and to send food to our frontliners. Thank you for all those who helped to make this a reality. If you want to send food to our frontliners, just PM us. We are here to help,” ayon sa isa sa kaniyang Facebook post.

Imahe mula sa Facebook account ni Rad Gonzales Pelayo II

Bumaha naman ng papuri at magagandang komento mula sa mga netizens ang mabuting gawaing ito. Sabi ng isa, “Kudos po! Sana laging ipadama ang pagmamahal sa kapwa. Nawa ay pamarisan po ito ng iba.”

Turan naman ng isa, “Thank you Sir Rad sa patuloy mong pagtulong sa ating mga FRONTLINERS. Stay safe and healthy sa ating lahat!

Saludo po kami sa iyo, Sir Rad at sa iyong buong team! Ingat po kayo!