QC Mayor Joy Belmonte, humingi ng paumanhin sa kontrobersyal na pahayag sa social media: “Nagkamali po ako”




Larawan mula sa Quezon City Government at Joy Belmonte FB page
  • Nag-sorry na si Mayor Joy Belmonte sa kanyang mga naging pahayag patungkol sa mga bumabatikos sa kanya
  • Ayon sa QC Mayor, mali raw siya na hindi niya napigilan ang kanyang emosyon at nakapagbitiw ng hindi magagandang salita sa mga taga-QC
  • Dagdag pa ng alkalde, napagtanto niyang buwis ng taumbayan ang ginagamit ng QC kaya kahit hindi niya supporter ay dapat makinabang dito

Naging kontrobersyal ang Quezon City Mayor na si Joy Belmonte dahil sa kanyang naging pahayag sa kanyang personal na social media accounts. Sinagot niya kasi sa nasabing post ang mga kritiko na kung hindi raw sila naniniwala sa alkalde ay walang karapatan ang mga ito na tangkilikin o gamitin ang kanyang mga naipatayong proyekto sa lungsod.

At ilang araw matapos ang naging pahayag ni Belmonte, isang statement ang inilibas ng QC Mayor sa pamamagitan ng Quezon City Government Facebook page kung saan humihingi siya ng paumanhin sa kanyang naging pahayag at batid niya rin daw ang kanyang pagkakamali at naging padalos-dalos sa pagbibigay ng komento sa mga isyung ipinupukol sa kanya.

Larawan mula sa Quezon City Government FB page

Inihingi ng patawad ni Belmonte ang kanyang sinabing walang karapatan ang mga hindi naniniwala sa kanya na gumamit ng anumang proyekto niya. Ayon sa QC Mayor, tama ang taumbayan na kumondena sa kanya na mula ito sa buwis nila at hindi naman mula kay Belmonte mismo.

“First, I sincerely apologize for losing my composure on social media. You are correct that all the projects implemented by the QC government belong to you, as they are funded by your taxes. When I was elected as Mayor, I was given the honor and privilege to serve all QC residents, regardless of political affiliation. Pero alam kong isang malaking pagkakamali na nakapag-post ako ng mga salitang taliwas dito. Inaamin ko po na nagkamali ako,” bungad ni Belmonte sa pahayag.

Paumanhin din ang sabi ni Belmonte sa kanyang paggamit ng ‘Joy Para sa Bayan’ eco bags para lagyan ng unang batch ng relief goods na ipinamahagi sa kanyang mga nasasakupan. Ngayon daw ay batid na ni Belmonte na pagkakamali ang paggamit nito lalo na’t panahon ito ng krisis at hindi kampanya.

“Second, I apologize for distributing health kits branded with “Joy Para Sa Bayan”. While it is true that my team used leftover donated bags from the previous campaign and that they were the most readily available bags on the first day of ECQ, it is clear that this was highly insensitive given the circumstances. Inaamin ko po na nagkamali ako,” pagpapatuloy ng alkalde.

Larawan mula sa Facebook page ni Joy Belmonte

Kinuha rin ni Belmonte ang pagkakataon upang itama ang mga lumabas na balita patungkol sa mga programa niya, kabilang ang diumano’y P2,500 na relief goods ngunit hindi naman sapat sa presyo.

Ayon kay Belmonte, typographical error lamang daw ito ng pahayagang Manila Bulletin at naglabas na raw ng erratum ang broadsheet tungkol dito.

Bandang huli, hinikayat ni Belmonte na magkaisa ang bawat residente ng Quezon City dahil mahaba-haba pa raw ang laban ng bansa kontra sa C0VID-19.