Pasaway: Ilang residente mula sa SJDM, Bulacan, nagawa pang mag-parlor games sa labas ng bahay kahit ECQ




Larawan mula sa Facebook video ni Kenneth Caballe Rivera
  • Trending sa social media ang mga pasaway na residente ng San Jose del Monte, Bulacan na naglalaro pa rin sa kabila ng enhanced community quarantine
  • Nagtila pyesta pa ang mga residente sa labas ng kanilang bahay at nagkaroon pa ng karera
  • Kumpol-kumpol ang mga tao at hindi na nasunod ang social distancing na dapat gawin sa mga panahon ngayon

Panawagan ng awtoridad at mga frontliners na kung maaari, kung wala namang mahalagang gagawin sa labas ng bahay, sana raw ay manatili na lang sa kani-kanilang bahay at gawing seryoso ang umiiral na enhanced community quarantine (ECQ). Ngunit sa kabila ng krisis na kinahaharap ng Pilipinas at ng mundo, mayroon pa ring tila mas inuuna ang kanilang pansariling kasiyahan.

Patunay dito ang video na kumakalat ngayon sa social media kung saan makikita ang mga residente ng Pabahay 2000 sa San Jose del Monte, Bulacan na tila pyesta pa sa saya at may nagaganap na palaro sa labas ng kanilang mga bahay.

Larawan mula sa Facebook video ni Kenneth Caballe Rivera

Sa in-upload na video ng Facebook page na Balitang SJDM na orihinal na kuha ni Kenneth Caballe Rivera ang mga pasaway na residente ng isang residential area sa SJDM. Kumpol-kumpol sa labas ng kanilang bahay ang mga tao habang masayang pinanonood ang mga kabataang lalaki na nagpapaunahan sa pagtakbo.

Hindi aakalaing kuha ang video na ito sa panahon ng ECQ dahil parang pyesta sa saya ang mga mamamayan sa ‘parlor games’ na ginagawa nila sa kalsada. Dahil dito, hindi na naipatutupad ang social distancing na mahalaga pa naman sa panahon ngayon upang hindi na magkahawaan ng mga karamdaman.

Agad namang nag-viral ang video na ito ng Balitang SJDM. Habang isinusulat ang balitang ito, mayroon nang halos 2,000 reactions na karamihan ay ‘angry,’ 1,100 comments, at 2,000 shares. Mayroon na rin itong halos 90,000 views.

Maraming netizens ang nagpaabot ng kanilang inis at pagkidismaya sa mga naturang residente na pasaway pa kahit sa panahon ng sakuna. Mayroong mga social media users na iniulat na ang pangyayari sa mga kinauukulan. May mga nagta-tag pa sa mga kilalang media organizations upang maiparating sa publiko ang hindi magandang gawi na ito ng mga residente ng Bulacan.

Larawan mula sa Facebook video ni Kenneth Caballe Rivera

Hiling ng ilang residente rin ng Pabahay 2000, sana raw ay tutukan ng lokal na pamahalaan ang nasabing lugar para na rin sa kaligtasan ng mga residente roon. Panawagan din nila sa kanilang mga kababayan, sana raw ay sumunod na lamang muna ang lahat sa mga ipinatutupad ng kanilang mga lider.

Sa kasalukuyan, anim na ang kompirmadong mayroong C0VID-19 sa Lungsod ng SJDM ayon sa inilabas na ulat ni Mayor Arthur Robes. Patuloy naman ang pagsasagawa ng disinfecting ng lokal na pamahalaan upang hindi na madagdagan pa ang kaso sa kanilang lungsod.

Panoorin ang mga pasaway na residente ng Pabahay 2000 na tila hindi nasisindak ng pandemic:

WATCH: Habang ipinapatupad ng gobyerno ang enhanced community quarantine, nagkaroon ng karera ng tao sa Phase 2, Pabahay 2000 Barangay Muzon CSJDM Bulacan kahapon (Marso 30).Ayon sa ilang mga concern citizen, pustahan umano ito ng mga residente sa lugar. | Video: Kenneth Caballe Rivera

Posted by Balitang SJDM on Monday, March 30, 2020