Palengke sa Myanmar may diskarte para magkaroon ng social distancing; netizens sinabing dapat itong tularan sa Pilipinas




Larawan mula sa Twitter account ni Thaung Tun
  • Hinahangaan sa social media ngayon ang diskarte ng Myanmar para sa social distancing sa mga palengke
  • Nilatag kasi nila ang mga paninda sa malawak na kalsada at mayroong tanda sa sahig para sa pagkakabukod-bukod ng bawat stall
  • Ayon sa ilang netizens, dapat daw ay tularan ito ng mga awtoridad sa Pilipinas

Sabi noon ng pamahalaan, dapat daw ay maging creative o malikhain ang mga namumuno sa pagpapatupad ng mga patakaran sa kani-kanilang lugar upang mapuksa ang pandemic na C0VID-19. Sa kasalukuyan ay nasa enhanced community quarantine (ECQ) ang malaking bahagi ng bansa kaya naman maging ang operasyon ng ilang palengke at pamilihan ay apektado na.

Kaya naman isang larawan ngayon mula sa pamilihan sa Myanmar ang viral sa Facebook dahil sa diskarte nito sa pagpapatupad ng social distancing. Imbes kasi na isara ang mga palengke, napagpasiyahan ng kanilang pamahalaan na magtalaga ng mga lugar sa malawak na kalsada at doon pagtindahin ang kanilang mga residente.

Larawan mula sa Twitter account ni Thaung Tun

Sa Facebook post ni Bryan Albert Lim makikita ang larawang orihinal na kuha ni Thaung Tun, ng palengke sa Myanmar na nakatalaga ngayon sa malawak na kalsada. Gumuhit lamang ang mga awtoridad ng tanda sa sahig bilang tanda ng pagkakalayo-layo ng mga tindahan upang mapanatili na rin ang social distancing ng mga ito maging ng mga mamimili.

Ayon sa uploader, isang diskarte daw ito na karapat-dapat gayahin ng mga namumuno upang mahigpit na maipatupad ang paglalayo-layo ng mga nagtitinda at mamimili. Karaniwan kasing masikip sa mga palengke kaya naman napipilitan ang ilang LGU na ipasara na lamang ang mga ito, o limitahan ang oras at taong nakapapasok sa mga palengke.

Maraming netizens ang humanga sa diskarteng ito. Ayon sa ilang nagkokomento, hindi naman daw kasi talaga mapipigilang mamili sa palengke ng mga mamamayan, lalo na at hindi naman sapat ang mga ayudang natatanggap mula sa pamahalaan.

Kaya naman imbes daw na gipitin ang mga nais magtinda at ang mga bumibili, mas maganda raw na ganito na lamang ang ipatupad sa Pilipinas dahil maraming Pilipino ang nawawalan na ng trabaho, kabilang ang mga nagtitinda.

Larawan mula sa Twitter account ni Thaung Tun

Gayunman, may agam-agam naman ang ilang netizens. Bilad kasi sa araw ang mga tindero sa Myanmar sa viral na larawan. Kung gagawin daw ito sa Pilipinas, dapat daw ay mayroong silong man lamang dahil lubhang mainit ang panahon ngayon sa bansa.

Sa ngayon ay hininihintay pa ng publiko ang magiging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte kung palalawigin o ihihinto na ang pagpapatupad ng ECQ na umiiral sa malaking bahagi ng Pilipinas ngayon.

Source :

Facebook, Twitter