Mister, ibinida kung paano siya “binago” ng kaniyang misis




Imahe mula sa Facebook account ni Jokey Robles
  • Ibinida ng isang mister kung paano siya “nabago” ng kaniyang misis
  • Nakapagtala siya ng anim na mga pagbabago sa kaniyang mga katangian na dulot ng kaniyang asawa habang sila ay nagsasama
  • Aniya, siya ay isang “changed man” na

Sinasabing ang pagbabagong pansarili ay nagmumula mismo sa intrinsic o panloob na motibasyon. Kung gusto talagang magbago ng isang tao, siya mismo ang magpapasya nito. Subalit may mga pagkakataon ding nagmumula ito sa ibang tao, dahil sa inspirasyong dulot nila. Gaya na lamang ng isang mister sa kaniyang misis.

Ibinahagi sa Facebook post ng isang mister na nagngangalang “Jokey Robles” kung paano siya “nabago” ng kaniyang misis na si “Jen”, na umano’y ang pinakamahalagang bagay na naituro sa kaniya ay mas maging mabuting tao. Inisa–isa niya ang mga katangian ng kaniyang asawa na hindi niya namamalayang nagaya na rin niya.

Imahe mula sa Facebook account ni Jokey Robles

Una na raw dito ang pagiging matipid. Aminado siyang gastador siya at dumarating sa puntong wala siyang ipon o savings. Inuuna raw niya ang mga luho at mga bagay na magpapamukha sa kaniyang presentable sa harap ng maraming tao. Natutuhan niya na magtipid muna bago ang luho at iyan daw ang isinaksak sa kaniyang kukote ng misis niya.

Pangalawa, natutuhan niya ang konseptong “MEN TO THE LEFT, BECAUSE WOMEN ARE ALWAYS RIGHT.”
Natutuhan umano niyang isantabi ang kaniyang ego at magparaya sa kaniyang asawa lalo na kung talagang mali siya. Ang babae raw ay kayang humingi ng tawad kapag alam nilang mali talaga sila.

Pangatlo, naging matimpiin ang mister o napamahalaan niya ang kaniyang temper. Dati raw, madaling uminit ang kaniyang ulo, na dumarating sa puntong kaya niyang manakit. Nakita niya umano sa kaniyang misis ang pagiging mapagpasensya, tipong hihintayin siyang kumalma at hindi siya sinasabayan kapag galit siya. Dumating pa raw ang sandaling siya na ang nahihiya sa kaniyang misis kapag ipinakikita niya ang kaniyang pagiging short–tempered.

Pang–apat, natutuhan daw niyang makuntento sa mga bagay na mayroon siya. Panlima, ang pamimili ng mga tamang tao na pakikisamahan. Marami umanong “plastik” na tao kaya dapat daw maging mapanuri at mapagmatyag. Mas ayos daw ang kaunting kaibigan subalit alam mong totoo naman.

Imahe mula sa Facebook account ni Jokey Robles

At pang–anim, natutuhan niyang huwag magkimkim ng mga problema. Huwag pairalin ang kalimitang ugali ng mga “machong” lalaki na “feeling strong” o tipong lahat ay kakayaning lutasin, lalo na sa mag–asawa. Masarap umano sa pakiramdam na kasangga mo ang partner mo at mapatutunayan ang mga katagang “through thick and thin.”

“Ayun. Actually andami pa eh pero sa dami ng nabago sa akin hindi ko na rin maisip. Pero one thing’s for sure, I’M A CHANGED MAN now. And kung may mga kamalian man ako sa past ko, part lang yun for sure ng growth ko. And I’m so happy na nag–grow ako sa tamang panahon, sa tamang oras, at sa tamang tao, all I need to do is to act like a man, think like a man, and syempre sundin siya as her man,” saad ni Jokey.

Marami sa mga nakabasa ng post na ito ang kinilig. Relationship goals daw sila at mapapa–”Sana all” ka na lamang.