Matapat: Lalaki sa Tagkawayan, Quezon ibinalik ang SAP niya dahil nakatanggap na ang misis na miyembro ng 4Ps




Larawan mula sa Tagkawayan Teleradyo
  • Isang lalaki ang nagbalik ng natanggap niyang ayuda mula sa SAP ng DSWD
  • Nakatanggap na raw kasi ang misis niya mula sa 4Ps kaya naman doble na ang ayuda sa kanilang pamilya
  • Ang lalaki na raw ang ika-11 na residenteng nagbalik ng SAP mula sa nasabing bayan sa Quezon

Naging kontrobersyal kamakailan ang ilang miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) dahil sa diumano’y iresponsableng paggamit sa natanggap na ayuda mula sa social amelioration program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ngunit hindi lahat ng benepisyaryo ng 4Ps ay hindi matapat. May ilan pa ring mas pinipiling makatulong sa kapuwa kaysa manlamang. Patunay nito ang isang lalaki mula sa Tagkawayan, Quezon na ibinalik ang natanggap na ayuda mula sa SAP.

Larawan mula sa Tagkawayan Teleradyo

Ayon sa post ng Facebook page na Tagkawayan Teleradyo, nagtungo sa tanggapan ng bayan si Conrado Berroya Lato Jr. upang ibalik ang natanggap na P6,500 mula sa SAP. Ayon sa ginoo, nakatanggap na raw kasi ang kanyang asawang miyembro ng 4Ps at ayaw nilang manlamang sa kapuwa dahil ang iba ay wala, samantalang sila ay nadoble sa nabiyayaan.

Awtomatiko kasing kasama sa mga benepisyaryo ng 4Ps sa makatatanggap ng SAP at nailalagay sa kanilang ATM card. Ayon kay Mang Conrado, mas mabuting ibigay na lamang ng lokal na pamahalaan ang pera sa mga nangangailangan talaga.

Proud naman ang LGU ng Tagkawayan sa kanilang mga matapat na kababayan. Hindi kasi si Mang Conrado ang unang nagbalik. Batay sa tala ng Tagkawayan LGU, pang-11 na siyang nagbalik ng pera. Bukod raw sa 4Ps beneficiaries, ang ilan ay nakatanggap na mula sa pamahalaan habang ang iba ay kasama sana sa exemption sa SAP ngunit napabilang pa rin.

“Isa lamang si Tatay Conrado mula sa Barangay San. Vicente sa labing-isa (11) Tagkawayanin na nagbalik ng tinanggap na 6,500 mula sa Social Amelioration Program (SAP) ng DSWD. Nakatanggap na kasi sa 4Ps ang kaniyang misis kaya minabuting isauli na ayudang natanggap. Ang ilan sa kanila tulad ni Tatay Conrado na may natanggap na sa ibang programa ng Pamahalaan at ang iba naman ay Opisyal ng Barangay,” pahayag ng post.

Larawan mula sa PNA

Tiniyak naman ng pamunuang bayan ng Tagkawayan na ang nabakanteng slot at naisauling pera nina Mang Conrado ay maibibigay sa mga nangangailan sa kanilang lugar at mas karapat-dapat na mabigyan ng ayuda mula sa SAP.

Paghanga naman ang nakuha ng ginoo sa kanyang katapatan. Ayon sa mga netizen, masarap daw na malamang sa panahon ng krisis ay marami pa ring mabubuting Pilipino na handang maging matapat para sa ikabubuti ng kapuwa.