Mag–iina sa Rizal, pinalayas sa inuupahang apartment sa kabila ng lockdown




Imahe mula sa Facebook account ni Nicole Ronquillo
  • Kinahabagan ng mga netizens ang mag–iinang pinalayas ng may–ari ng tinutuluyang bahay dahil hindi sila makabayad
  • Walang pera ang mister dahil hindi makapagtrabaho dahil sa enhanced community quarantine sa buong Luzon
  • Nangamba ang mga netizens sa banta sa kalusugan ng mag–iina lalo na’t hindi pa humuhupa ang COVID–19

Simula nang maipatupad ang enhanced community quarantine, marami sa mga tipikal na gawain ng tao na tila “daily routine” na ang biglang nagbago at napilitang mag–adjust, kasama na riyan ang pagbabayad ng iba’t ibang bills tulad ng kuryente, tubig, internet, at maging bayad sa upa ng mga nirerentahang bahay o establisimyento.

Kaya naman, ibinahagi sa Facebook post ng isang netizen na nagngangalang “Nicole Ronquillo” ang mga larawan ng mag–iinang pinalayas sa kanilang inuupahan dahil hindi umano sila nakapagbayad ng renta, at nagkataon pang hindi makapagtrabaho ang kaniyang mister dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine sa Luzon.

Imahe mula sa Facebook account ni Nicole Ronquillo

Makikita sa mga kalakip na larawan na bitbit ng ina at dalawa niyang anak na mga batang lalaki ang kanilang mga damit, higaan, at gamit pangkusina na nakalagay sa malaking batya. Sa kabila nito, nagagawa pa rin nilang ngumiti sa sitwasyong kanilang kinakaharap, kahit hindi malinaw kung saan sila tutungo.

“Mga walang awa… kawawa naman po sila, pinalayas sa inuupahan nila dahil HINDI nakabayad. Alam naman nila na lockdown, walang trabaho ang karamihan. Samantalang ang laki ng tulong nila sa may–ari noong nasa abroad pa sila, ngayon HINDI NA nila kailangan kaya pinaalis na nila,” ayon sa post.

Sa pagpapatuloy, “Walang trabaho ang asawa niya ngayon dahil sa kumakalat na virus. Naging care taker siya noong time na nasa abroad ang may–ari ng bahay, tagalinis ng dumi ng alaga nilang aso. Tapos ngayon ganyan ang gagawin sa kanila…”

Nanawagan naman ang naturang concerned netizen sa may–ari ng bahay na maawa naman sa mag–iina lalo pa’t hindi pa natatapos ang krisis hinggil sa COVID–19. Binanggit din niya ang mayor ng Rodriguez, Rizal na si Mayor Tom Hernandez na sana ay maaksyunan ito.

Imahe mula sa Facebook account ni Nicole Ronquillo

Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens.

Sabi ng isa, “Mga walang piso, porke’t mahirap ginaganyan ninyo! Dapat sa mga ganiyan, bigyan ng leksyon para magtanda. Kayo kaya ang mawalan ng masisilungan sa panahon ngayon na dapat ay nasa loob lamang ng mga bahay?”

“May dalawang batang kasama oh, kawawa naman. Walang konsensiya ang nagpalayas, alam naman niya ang sitwasyon ngayon grabe… wala kang malasakit sa kapwa mo.”

Kamakailan lamang ay mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagbanta sa mga may–ari ng mga apartment na ipasasara niya ang mga ito kung sakaling palalayasin o hindi magbibigay ng extension ng pagbabayad ng renta dahil nga sa kasalukuyang sitwasyon.