LGU ng Valenzuela na pinutakte ng netizens dahil sa Venezuela news: “Bakit parang kasalanan ko?”




Larawan mula sa Twitter page ng Valenzuela City at ni Mayor Rex Gatchalian
  • Usap-usapan ngayon sa social media ang maraming netizens na napagpalit ang bansang Venezuela at ang Lungsod ng Valenzuela
  • Sa Venezuela kasi, tuloy pa rin ang prusisyon kahit may banta ng C0VID-19 at inakala ng iba na ito ang lungsod sa Pilipinas
  • Nagpadala tuloy sila ng mga negatibong komento sa LGU ng Valenzuela na agad naman nilang sinagot at nilinaw

Viral ngayon sa social media ang bansang Venezuela at ang lungsod sa Pilipinas na Valenzuela dahil sa isang balitang nagpataas ng kilay ng maraming netizens. Ibinalita kasi ng ABS-CBN News sa kanilang Facebook account ang tuloy-tuloy na pagdaraos ng prusisyon para sa Mahal na Araw ng mga taga-Venezuela.

Dahil dito, maraming Pilipino ang nalito at inulan ng negatibong komento ang nasabing post. Ang sisi, napunta sa local government unit (LGU) ng Valenzuela City dahil maraming netizens ang inakalang sa lungsod nangyari ang prusisyon.

Larawan mula sa Twitter page ng Valenzuela City

Umulan ng pagpuna mula sa netizens ang diumano’y kawalan ng disiplina ng mga taga-‘Valenzuela’ at marami pa ang nag-tag sa pamahalaang lokal ng lungsod. Dahil dito, agad namang nag-react ang LGU sa pamamagitan ng kanilang social media pages.

Unang sumagot nang pabiro ang Twitter page ng Valenzuela City. Kalakip ang clip ng balita mula sa ABS-CBN News, hiniram ng Valenzuela ang pamosong linya ni Bea Alonzo sa pelikulang Four Sisters and a Wedding na “Bakit parang kasalanan ko?” dahil sa kanila napunta ang puna ng ilang netizens.

Bilang patunay sa mga nakukuhang negatibong reaksiyon mula sa mga netizens, nag-share din ng larawan na upload ng ibang social media users ang nasabing Twitter page kung saan mababasa ang komento ng mga netizens.

Maya-maya pa ay naglabas na rin ng pahayag ang mismong alkalde ng Valenzuela City na si Rex Gatchalian dahil makailang ulit na rin siyang nai-tag ng mga dismayadong netizens kahit hindi naman sa lungsod nila nagmula ang nasabing prusisyon.

Larawan mula sa Facebook page ni Mayor Rex Gatchalian

Marami na raw ang nagagalit sa kanya at nagulat siyang saklaw na rin pala niya ang bansang Venezuela. Dito rin niya kinlaro ang pagkakaiba ng Valenzuela City sa bansang Venezuela.

“So ang daming nagagalit sa akin dahil dito. Hindi ko alam na ako na din pala ang pinuno ng bansang Venezuela. Mga sirs and ma’ams, Mayor po ako ng dakilang lungsod ng Valenzuela. Hindi po ng bansang Venezuela,” paliwanag ni Mayor Rex na mayroon nang 50,000 likes ngayon sa Twitter.

Source :

Twitter, Facebook