Larawan ng mga healthcare workers na “niyuyukuran” ng mga fictional superheroes, kinagiliwan




Imahe mula sa Facebook account ni Monching Lumantas
  • Kinagiliwan ng mga netizens ang isang larawan
  • Makikitang yumuyukod sa mga frontliners na healthcare workers ang mga fictional superheroes
  • Sila ang mga “frontliners” naman ng Justice League at Marvel Comics Universe

Ang mga frontliners ay itinuturing na mga makabagong bayani ng panahon dahil sa kanilang pakikipaglaban sa COVID–19. Inihahambing sila sa mga “superheroes” na nagsisilbing mga tagapagligtas sa mga taong inaatake ng mga “kalabang hindi nakikita”.

Paano kung ang mismong mga “fictional superheroes” na iniidolo ng lahat at nagmula sa iba’t ibang media ang magbigay–pugay sa mga frontliners?

Iyan ang kinagiliwan ng mga netizens sa isang larawan ng mga healthcare workers na “niyuyukuran” ng mga superheroes  habang sila ay naglalakad sa hallway. Ibinahagi iyan sa Facebook post ni “Monching Lumantas” at mase-search na ito’y kalat na rin sa iba pang social media sites.

Imahe mula sa Facebook account ni Monching Lumantas

“In this pandemic, they are working 24/7 to save lives. We honor them for their sacrifice and thank them for not giving up. They are the real superheroes. #SaluteToAllFrontliners,” ayon sa caption ng post.

Makikita sa larawan na nagsama–sama ang mga fictional superheroes na minahal ng lahat mula sa Justice League gaya nina Superman, Batman, at Wonderwoman, mula sa Marvel characters at Avengers na sina Spiderman, Ironman, Thor, at Incredible Hulk, X–Men member na si Wolverine, at marami pang iba.

Umani naman ito ng reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Wow… pati mga superheroes ay saludo sa mga frontliners! Kami rin po ay saludo sa inyo. Kung puwede lang sanang mag–snap na lang si Thanos tapos ang mawawala yung COVID–19… o kaya naman lalakad ang panahon at doon na tayo sa era na wala nang virus,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Awkward ang pakiramdam ni Batman hahaha… mabuhay po ang mga frontliners na mga tunay na bayani ng mundo. Hindi kayo fictional, dahil totoo at hindi biro ang pakikipaglaban ninyo sa sakit. Sana magkaroon kayo ng super powers for immunity, para hindi kayo magkasakit.”

Public Domain Image

Ang mga frontliners ang tunay na superheroes ng ating bayan!