Larawan ng mag-amang natutulog sa nakalutang na basura sa estero, umantig sa mga netizens




Larawan mula sa Facebook post ng Bayan Ko
  • Trending ngayon ang larawan ng mag-ama na natutulog sa tambak ng basura sa isang estero
  • Magkayakap ang mag-ama habang mahimbing na natutulog na umantig naman sa mga netizens
  • Bagaman hindi tukoy kung saan kuha ang larawan, malinaw naman para sa mga netizens ang mensahe nito

Ngayong nasa enhance community quarantine (ECQ) ang Luzon bilang paraan ng pag-iwas sa pandemic na C0VID-19, maigting na ipinatutupad ang ‘stay at home’ policy. Pinahihintulutan lamang lumabas ng tahanan kapag mayroong mahalagang bagay na gagawin o di kaya naman ay isa kang frontliner na kailangan pa ring magtrabaho sa gitna ng sakuna.

Ngunit hindi lahat sa atin ay mayroong kakayahang mag-stay at home. Hindi dahil matigas ang kanilang ulo, ngunit wala naman talaga silang bahay na uuwian simula pa man noon. Ganito ang mensahe ng larawang ibinahagi ng isang Facebook page kung saan makikita ang kakaibang diskarte ng mag-ama para lamang may matulugan.

Larawan mula sa Facebook post ng Bayan Ko

Sa post ng page na Bayan Ko, makikita ang larawan ng mag-ama na nakahiga sa tambak ng basura na nakalutang sa isang estero. Magkayakap ang dalawa habang mahimbing na natutulog sa ibabaw ng mga kalat na lumulutang sa maitim na tubig.

Marami ang nagtataka kung paanong nakapunta ang mag-ama sa imbak ng mga kalat na naroon at kung bakit doon na nila naisipang matulog at hindi na lang sa kalye dahil lubhang mapanganib na matulog sila sa isang estero.

Hindi malinaw kung saan nakuhanan ang larawan at kung sino ba ang mag-ama sa larawan. Gayunman, maraming Pilipino na nasa kani-kanilang bahay ngayon ang may napagtanto nang makita ang kalunos-lunos na kalagayan ng mag-ama.

May ilang nagkomento na kahit pala suliranin nila ngayon ang mapagkukuhanan ng pera para sa kanilang pagkain, ay mapalad pa rin sila kahit papaano dahil mayroon silang masisilungang maayos na tahanan.

Ang ilan naman ay hindi mapigilang maantig sa nakita. Awang-awa sila sa mag-ama at nananawagan sila ng tulong para na rin sa kaayusan nila, lalo na ang bata. Sana raw ay mabigyan sila ng atensiyon lalo na’t may iniiwasang karamdaman ang buong mundo at mas exposed sila dahil wala silang maayos na inuuwian.

Larawan mula sa Pexels

“Iyan ang dapat bigyan ng tulong kasi kailangan nila. Wala silang masilungan. Iyong bata, kawawa naman…” pahayag ng isang netizen.

“Kawawa naman. Sana mayroong maawaing tumulong sa kanila para mayroon silang masilungan. Gabayan mo po sila Panginoon,” saad pa ng isang netizen.