Lalaking “walang ulo” sa larawan, nagdulot ng kababalaghan




Imahe mula sa Facebook account ni Francis Bayran Buenaflor/Public Domain Image
  • Isang larawan ang nagdulot ng kababalaghan sa mga netizens
  • Makikita kasi rito ang isang lalaking tila “walang ulo”
  • Sa pamahiing Pilipino, nagpapahiwatig umano ito ng masamang senyales

Maraming “pamahiin” ang mga Pilipino pagdating sa maraming mga bagay. Kabilang na riyan ang pagbibigay ng interpretasyon sa mga senyales o signos na nangyayari sa paligid o sa isang tao. Kabilang na riyan ang makitaang “walang ulo” ang isang tao.

Nagdulot ng kababalaghan at pag–aalala ang isang Facebook post ng nagngangalang “Francis Bayran Buenaflor” kung saan makikita ang isang larawan na nagpapakita ng isang lalaking “walang ulo”. Paglilinaw ng netize, hindi sa kaniya ang naturang larawan at nakita lamang sa Facebook, kaya labis din ang kaniyang pagkabagabag. Sana raw ay masabihan ang lalaking walang ulo upang hindi matuloy ang pinahihiwatig nito.

Imahe mula sa Facebook account ni Francis Bayran Buenaflor

Umani naman ito ng komento mula sa mga netizens. Ang tanong nila, legit ba ito o dumaan sa photoshop?

Saad ng isa, “Dapat yung mismong nag–picture ang nagsabi sa lalaki…”

“Kailangang masabihan yung lalaki at matapik ang kaniyang ulo. Pagkatapos, lahat ng suot niya na nakitaan siyang walang ulo, kailangan niyang ibaon sa lupa para hindi matuloy ang masamang mangyayari sa kaniya,” payo naman ng isa.

Pahayag naman ng isa, “Sa panahon ngayon, uso pa pala iyan? Baka edited lang iyan. Alam mo naman sa panahon ngayon, lahat puwede na maipa–edit.”

Ipinahihiwatig umano ng pamahiing ito na kapag ang isang tao ay nakitaang walang ulo, ang taong iyon ay mamamatay. Upang mapigilan ito, kinakailangan masabihan siya kaagad ng nakakita. Pagkatapos, kailangang tapikin ang kaniyang ulo upang makontra ito. Lahat ng mga damit na suot niya sa araw na nakitaan siya na walang ulo ay kailangan ding ibaon sa ilalim ng lupa.

Ayon sa mga dalubhasa, ang mga pamahiin o superstitions sa wikang Ingles ay mga paniniwala ng mga matatanda na madalas ay walang batayan at hindi maipaliwanag kung bakit kinakailangang sundin. Malaki ang nagagawang impluwensya ng mga pamahiin sa ating kultura. Ito ay nakaaapekto sa ating kaligayahan, kalungkutan, kabiguan, at tagumpay sa buhay.

Public Domain Image

Sinasabing ang hindi pagsunod sa mga pamahiin ay magdudulot ng kamalasan sa tao. Mula pa noong unang panahon, ang ating mga ninuno ay sinusunod na ito. Sa makabagong panahon, lalo na sa mga nakatira sa mga lalawigan ay pinaniniwalaan pa rin ang mga pamahiing ito.