Lalaking mabait, namigay ng bigas at mga gulay na sahog sa pinakbet




Imahe mula sa Facebook account ni Ken Go
  • Isang negosyante ang namigay ng libreng bigas at mga gulay na sahog sa ulam na pinakbet
  • Ipinagkaloob niya ang mga  ito sa mga senior citizens at tricycle drivers na nawalan ng kita dahil hindi makapamasada
  • Libreng bottled water at tinapay naman ang ipinamahagi niya sa mga frontliners

Kung may mga bagay na idinulot na maganda ang kasalukuyang krisis na kinakaharap ng bansa sa pananalasa ng COVID–19, ito ay ang pagpapatunay na buhay na buhay pa rin ang bayanihan at pagtutulungan ng mga Pilipino sa isa’t isa. Anumang paraang kayang ibigay, hindi ito basta matatawaran. Lahat ay mahalaga at walang maliit o malaki.

Iba–iba ang paraan ng ating mga kababayan sa pagpapaabot ng tulong at pagmamahal sa kapwa. Tulad na lamang ng Facebook post isang negosyanteng netizen na nagngangalang “Kenneth Jerome Juego” kung saan namahagi siya ng bigas at mga sahog na gulay para sa “pinakbet”.

Imahe mula sa Facebook account ni Ken Go

Ang pinakbet o pakbet ay isang uri ng kilalang ulam ng mga Ilokano. Aniya, ipinagkaloob niya ito para sa mga senior citizens at tricycle drivers sa kanilang lugar na hindi nakapamamasada dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine.

Nakalagay sa kaniyang caption na “Pakbet, para sa mababait; sitaw, para sa hindi bumibitaw…” kalakip ang ilang mga larawan na nagpapakita ng mga panahog na gulay na nakabalot pa sa mga plastik at nakahandang ipamigay.

Ayon sa panayam sa negosyante, iba–iba raw ang kaniyang naiisip na ipamigay sa mga kababayang nangangailangan. Para sa mga frontliners naman, nagbibigay siya ng libreng bottled waters at tinapay. May–ari ng bigasan at water refilling station ang butihing negosyante.

“Maliit na negosyo lang po yang bigas and water, yung kinita ko since January hanggang bago mag–lockdown, ibinahagi ko na lang sa mga nawalan ng trabaho. Marami kasi sa lugar namin trike drivers na walang byahe. Kaya ko naisipang makatulong nang kaunti,” aniya.

Ayon pa sa kaniya, hindi raw siya mahilig mag–picture ng kaniyang pamamahagi; ang kaniyang kapatid daw ang mapilit na ibahagi ito sa social media upang magdulot ng good vibes at inspirasyon sa iba, na tumulong din sa mga nangangailangan, lalo na yaong may sapat na panggastos naman.

Imahe mula sa Facebook account ni Ken Go

Bumaha naman ito ng magagandang komento mula sa mga netizens.

“Ken, may our good Lord bless you more for your kindness and compassion. Good job!” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Sayang hindi ako nakapila para sa pakbet, good job, kaya marami kang blessings. Keep it up! I know your Papa in heaven is watching you and very proud of you, kudos to Mareng Lyn for raising a responsible and God–fearing son,” papuri naman ng isa.

Mabuhay po kayo, Ginoong Juego, at nawa ay pamarisan po kayo ng iba!