Lalaking lumaki sa hirap: “Hindi totoo ‘yung tamad ka kaya ka mahirap”




Public Domain Image
  • Pinabulaanan ng isang lalaki na lahat ng mahirap ay tamad
  • Iyan kasi ang umiiral na “stigma” sa mga naghihikahos
  • Umani naman ito ng iba’t ibang mga reaksyon at komento mula sa mga netizens

Sa patuloy na pananalasa ng COVID 19 sa bansa, hindi lamang suliraning pangkalusugan ang “nginatngat” nito kundi maging ang mga dati nang suliraning panlipunan na magmula noon hanggang ngayon ay patuloy pa rin nating kinahaharap: ang pagkakaroon ng hindi pagkakapantay–pantay ng mga tao pagdating sa estado o kalagayang pang–ekonomiko.

Kaya naman, isang lalaking laki sa hirap ng Pandacan, Maynila na nagngangalang “Geloy” ang nagpahayag at nagtanggol sa kaniyang mga kapwa–mahirap sa pamamagitan ng kaniyang Facebook post.

Pinasinungalingan niya ang panghuhusga ng marami na kaya mahirap ang isang tao ay dahil tamad ito. Aniya, huwag naman daw lahatin.

Imahe mula sa Facebook account ni Geloy Concepcion

Sa ipinatupad kasi na enhanced community quarantine upang masupil ang virus, labis na naapektuhan ang mga pamilyang tinatawag na “isang kahig isang tuka”.

Ang iba, sila ay kinakaawaan at tinutulungan, subalit marami rin ang nagsasabing walang ibang dapat sisihin kundi sila mismo dahil may stigma na sa kanila na ang dahilan ng kanilang kahirapan ay katamaran.

“Nag–iba ang tingin ko sa kahirapan simula nang mapadpad ako dito sa Happyland at sa Baseco, Tondo. Buong buhay ko kasi akala ko kami na yung mahirap sa Pandacan kung saan ako lumaki. Kasi sa amin, dikit–dikit din ang bahay, maraming looban, magulo, maraming tambay, ang daming adik, laging may nag–aaway. Kaya dati naniwala din ako ‘kung mahirap ka baka dahil iyan tatamad–tamad ka.”

Nabago nga ang pananaw niya nang mapadpad umano siya sa Happyland at Baseco. Umaga pa lamang daw, gising na ang mga tao upang kumayod at humanap ng paraan upang makakain. Wala raw magawa ang mga bata kundi mangalakal at samahan ang mga magulang upang magtrabaho. Hindi rin umano uso ang “retirement” dahil karamihan ng matatanda ay nagbabanat pa rin ng buto.

Public Domain Image

“Para kong nasa ibang planeta. Totoong lugar ba ‘to? Akala ko mahirap na kami hindi pa pala. Iba’ to. Ito yung totoong nasa ilalim na talaga. Parang balon na mahirap tumakas. May ganito pala? Pumasok ako sa mga bahay nila. Literal na basura o lupa ang lapag nilang hihigaan,” aniya.

Sa pagpapatuloy, “Yayayain ka pa rin nilang kumain kahit alam mong kahit sa kanilang pamilya hindi iyon kasya. Ang asaran ng mga bata hindi tungkol sa school pero tungkol kung sinong kumakain ng pagpag at kung sinong namamalimos sa Manila Bay. Napakahirap ng buhay. Hindi sipag pero kapalaran na lang ang sasagip sa’yo.”

“Ibang tao” na raw siya nang umuwi siya sa Pandacan. Napatunayan niyang hindi totoo ang pahayag na ‘tamad ka kaya ka mahirap’. Kaya umano sila mahirap dahil biktima sila ng kahirapan, ng maling sistema.

Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens.

“Salamat sa paggawa nitong mga ganitong bagay, Geloy! Sana makapagsulat ka ng libro tapos pa–autograph,” papuri ng isa.

Turan naman ng isa, “May paraan para umasenso, nakagabay ang gobyerno sa mga katulad ninyo… libre ang pag– aaral sa public school kung talagang may pangarap na umasenso may paraan.”

“Kulang na kulang kasi tayo sa edukasyon kaya yung mga mahihirap lalong naghihirap dahil mabilis mauto, tapos yung mga nakaupo sa gobyerno ninanakawan pa sila, wala talagang pag–asa,” ayon naman sa isa.

Pahayag naman ng isa, “Depende na talaga ‘yan sa tao kung gusto mo umahon sa kahirapan, dapat may dedikasyon sa pangarap para umunlad. Sa ganyang klase ng lugar makikita mo talaga kung sino yung pilit umaahon at yung taong bahala na lang sa buhay.”

Public Domain Image

Ginusto man nila o hindi, ang mahalaga’y maturuan at matulungan natin silang tulungan din ang kanilang mga sarili upang patuloy pang mangarap!