Lalaki hinabol ang isang delivery truck makabili lamang ng tinapay




Imahe mula sa Facebook account ni Fung Yu/Public Domain Image
  • Sa kagustuhang makabili ng sikat na loaf bread, sinundan ng isang mamimili ang delivery truck nito
  • Naubusan kasi siya ng naturang loaf bread sa supermarket na kaniyang pinuntahan
  • Hiya at pagmamalaki sa sarili ang naramdaman ng naturang netizen 

Ano ang kaya mong gawin makabili lamang ng isang bagay na itinuturing na isang “pangangailangan” sa inyong tahanan?

Hinabol lamang naman ng isang netizen na nagngangalang “Fung Yu” ang delivery truck ng isang sikat na loaf bread sa Pilipinas at ibang bansa, upang mabilhan lamang nito ang kaniyang 80 taong gulang na ama, ng paboritong kainin nito sa almusal.

Ibinahagi niya ito sa kaniyang Facebook post. Tinawag niya itong “COVID Tales.”

Imahe mula sa Facebook account ni Fung Yu/Public Domain Image

“COVID tales: I actually stalked a Gardenia van today for fresh sliced bread. I’m ashamed and proud at the same time,” ayon sa kaniyang post.

Salaysay niya, sa kasagsagan ng enhanced community quarantine at dahil sa panic buying ng mga mamimili upang makapag–ipon ng stocks sa bahay, naubusan umano ng loaf bread sa supermarket. Kaya naman, wala siyang nagawa kundi umuwi na lamang sa kanilang bahay, malapit sa Blumentritt,  Sta. Cruz, Manila.

Habang nagmamaneho pauwi at binabaybay ang Jones Bridge sa Binondo, naispatan niya ang isang pamilyar na delivery truck, 50 metro ang layo mula sa kaniya. Ito ay ang delivery truck ng hinahanap niyang brand ng loaf bread na “Gardenia”. Sinundan niya ang naturang delivery truck na tiyak na magbababa ng mga paninda sa isang supermarket.

Hindi nga siya nagkamali. Matapos ang ilang minuto, huminto ang delivery truck sa harapan ng isang convenience store upang magbaba ng mga delivery. Dali-dali siyang bumaba ng kaniyang sasakyan at pumasok sa naturang convenience store upang makipag–unahan sa pila at makabili ng naturang loaf bread.

Public Domain Image

“After this episode, I have successfully gone back to the same store once and got my usual pack of Gardenia bread, without the line, without the waiting, and with all the freshness,” dagdag pa niya.

Kaya mo ba ang kaniyang ginawa?