Iza Calzado nagbigay ng pahayag sa unang pagkakataon matapos magka-COVID-19; ikinuwento ang karanasan




Larawan mula sa Instagram account ni Iza Calzado
  • Muling napanood sa telebisyon si Iza Calzado matapos maka-recover sa C0VID-19
  • Puno ng pasasalamat si Iza sa kanyang mabilis na paggaling at sa mga taong nanalangin para sa kanya
  • Kinlaro din ni Iza ang nauna niyang pahayag tungkol sa C0VID-19 na naging kontrobersyal

Ginulat ng orihinal na nagmamay-ari ng brilyante ng hangin sa telefantasyang Encantadia na si Iza Calzado ang lahat nang ianunsiyo ng kanyang manager na positibo ang aktres sa C0VID-19. Ngunit matapos ang ilang araw na pakikipaglaban sa nasabing karamdaman, gumaling si Iza at ngayon ay inspirasyon na para sa nakararami.

Nag-guest na si Iza sa online edition ng Sunday show na ASAP Natin ‘To at dito ay isinalaysay ang kanyang mga pinagdaanan at nagpasalamat sa lahat ng sumuporta at nanalangin para sa kanyang mabilis na paggaling.

Larawan mula sa Instagram account ni Iza Calzado

Ayon sa aktres sa kanyang pahayag sa nasabing Kapamilya show, ngayong nakita niya mismo ang paghihirap at pagsasakripisyo ng mga frontliners, lalo na ang mga healthworkers, ay dapat daw nating laging ipagdasal ang mga ito. Nawa raw ay magpatuloy ang ating pagkakaisa upang malagpasan ang unos na ito.

“Gusto kong magpasalamat sa inyong lahat. Sa inyong tulong at sa inyong dasal. Sana po ay patuloy tayong magdasal at lumaban dahil kasama po ng ating mga frontliners, sama-sama tayong magdamayan bilang Pilipino,” saad ni Iza.

At sa unang pagkakataon din, mula nang sabihin niyang positibo siya sa C0VID-19 ay muling nag-post si Iza sa kanyang Instagram account. Dito ay ipinaliwanag niya ang kanyang naging pahayag sa isang komento sa Instagram na naging kontrobersyal.

Sinabi kasi noon ni Iza sa comment section na ang C0VID-19 daw ay isang paraan ng kalawakan upang gawing mas maayos na lugar ang mundo. Naging kontrobersyal ito dahil hindi nagustuhan ng mga netizens ang kanyang pahayag.

“I understand how and why that happened and I am sorry if anyone was offended and felt bad about it. Please know that I would never intentionally say anything to hurt others nor celebrate anyone else’s suffering,” bungad ni Iza.

Larawan mula sa Instagram account ni Iza Calzado

“I am a hopeful person and always try see the silver lining in every dark cloud. I am sad that you missed my heart but I also understand your sentiments,” pagpapatuloy ng Kapamilya actress.

Ngayon ay hindi matapos ang pasasalamat ni Iza sa Panginoon sa pagbibigay sa kanya nang ikalawang pagkakataon at makaligtas sa C0VID-19. Nais niya raw magsilbing inspirasyon ngayon sa marami at magbigay ng pag-asa na maaaring gumaling sa karamdamang ito.