Isang barangay sa Maynila, nilagay sa ‘total shutdown’ dahil sa mga pasaway na residenteng naghahapi-hapi pa raw




Larawan mula sa Facebook post ni Jayson Donato Delos Reyes
  • Nasa total shutdown ang isang barangay sa Tondo, Maynila dahil sa mga pasaway na residente
  • Nagsasagawa kasi ng boksing ang mga matatanda at bata sa lansangan kahit may ECQ
  • Huling-huli ang mga residente sa video na viral na ngayon sa social media

Pakiusap ng pamahalaan sa mga residente na huwag nang lumabas ng bahay kung wala namang importanteng gagawin. Pinahihintulutan namang pumunta sa mga tindahan, bangko, at iba pang mahalagang establisimyento ng LGUs ang mga residente.

Ngunit may mga pagkakataong kailangang maghigpit ng isang lider dahil sa mga pasaway na nasasakupan. Isang halimbawa nito ang ipinag-utos na total shutdown ni Manila Mayor Isko Moreno sa isang barangay sa lungsod dahil sa mga residente na hindi alintana ang banta ng C0VID-19 at naghahapi-hapi pa raw kahit may enhanced community quarantine (ECQ) na ipinatutupad.

Larawan mula sa Facebook post ni Jayson Donato Delos Reyes

Sa isang anunsiyong ginawa ng Manila Information Office sa kanilang Twitter account, sinabi na agad na ibinababa ni Moreno ang kautusang 24-hour total lockdown sa Barangay 20, Tondo dahil napag-alaman nilang patuloy ang mga gawain doon na lumalabag sa protocol ng ECQ lalo na ang social distancing.

Tila piyesta pa rin umano sa Barangay 20 kung saan araw-araw daw na mayroong aktibidad tulad ng boksing at pa-bing0. Ang nakababahala pa raw, maging mga bata ay nakikiisa sa mga gawaing ito ng mga taga-Barangay 20.

Nakarating sa kaalaman ng Manila City Hall ang mga pasaway na residente ng Barangay 20 dahil sa kumalat na video online. Makikita ang makapal na kumpol ng mga tao, na aabot daw sa sandaan ang bilang, at aliw na aliw sa ginagawa nilang boksing.

“A video was posted on Facebook showing a group of more or less one hundred people, including children, participating and spectating in what appears to be an informally organized boxing match by the side of the street,” ayon sa executive order na inilabas ng Manila LGU.

Larawan mula sa Facebook post ni Jayson Donato Delos Reyes

Dahil sa ipinatutupad na total shutdown sa nasabing barangay, hindi muna maaaring lumabas ng kanilang bahay ang mga residente sa loob ng 24 oras o hanggang sa hindi binabawi ng LGU ang kautusan. Ayon kay Moreno, para din naman ito sa kabutihan ng mga residente kaya dapat daw ay manatili na lamang sa bahay muna.

Iginiit din ni Moreno na dapat daw ay laging naka-monitor ang barangay officials at health workers upang masiguro na sumusunod ang kanilang mga residente sa ipinatutupad na ECQ lalo pa’t patuloy na dumarami ang kaso sa Maynila.

Panoorin ang video ng mga taga-Barangay 20 na animo’y nasa isang piyesta: