Ice Seguerra, namimigay ng sariwang gulay bilang tulong sa mga nasunugan at apektado ng enhanced community quarantine




Larawan mula sa Instagram account ni Ice Seguerra
  • Sariwang gulay ang ipinamimigay na relief goods ng acoustic singer na si Ice Seguerra
  • Galing daw sa Benguet ang mga gulay na ito na ipinamahagi ni Ice sa mga nasunugan sa Maynila
  • Maraming fans at kapuwa artista naman ang humanga kay Ice at sa kanyang proyekto

Maraming celebrities ngayon ang walang patid sa pagbibigay ng tulong sa ating mga kababayan na lubhang apektado ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ). Maraming mga Pilipino kasi ang hindi nakapagtatrabaho ngayon dahil mahigpit na ipinatutupad na sa bahay lang muna dapat ang nakararami para makaiwas sa banta ng C0VID-19.

Isa sa mga patuloy na nagbibigay ng ayuda ay ang dating child star at isa sa mga haligi ng original Pilipino music (OPM) na si Ice Seguerra. Ipinakita ni Ice sa kanyang Instagram account ang tila malawak na pagtulong niya sa kanyang mga kababayan dahil sa sariwang gulay na relief goods na ibinibigay niya sa mga nangangailangan.

Larawan mula sa Instagram account ni Ice Seguerra

Malawak ang tulong na ibinibigay ni Ice dahil ang mga gulay na ipinamamahagi nila ay mula sa Benguet. Malaking tulong ito sa mga magsasaka ng Cordillera dahil marami na rin sa mga pananim mula sa rehiyon ang pinangangambahang mabulok na lamang dahil hindi maipadala ang mga gulay sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa mahihigpit na checkpoints.

Unang binigyan ni Ice ng tulong ang mga pamilyang nasunugan sa San Andres Manila. Nasa 235 na pamilya raw ang kanilang nabigyan ng tulong. Makikita sa mga larawan ng acoustic sensation na imbes na mga delata, gulay ang ipinamimigay nila na kailangan daw ng mga residente upang magkaroon ng malakas na pangangatawan upang labanan ang iba’t ibang karamdaman.

“Salamat po sa ating mga donors!!! Nakapag distribute na po kami sa 235 Families sa San Andres, Manila. More than 3000 families recently lost their homes and properties dahil sa sun0g. Tapos, ngayon, CoVid naman. Hay,” pahayag ni Ice sa isang Instagram post.

“Fresh veggies from our Benguet farmers diretso sa ating mga beneficiaries. Hindi naman pwedeng puro de lata lang diba? We have to make sure our kababayans are eating well para healthy! Thank you to our volunteers for facilitating this,” dagdag pa ni Ice sa isa pang post.

Larawan mula sa Instagram account ni Ice Seguerra

Marami naman ang nagpaabot ng paghanga sa gawaing ito ni Ice. Ayon sa kanila, dapat daw ay tuluaran ito ng mga LGU na gawing salitan ang pamimigay ng mga canned goods at sariwang gulay upang masiguro ang kalusugan ng mga mamamayan.

Aprub din sa mga kapuwa celebrity ni Ice tulad nina Tom Rodriguez, Angelika dela Cruz, at Ryan Agoncillo ang kanyang proyektong pamimigay ng sariwang gulay sa mga nangangailangan.