Heart Evangelista aktibo sa online na pagtulong, hiling niya na maging tapat ang sinumang hihingi ng tulong




Imahe mula sa Facebook page ni Heart Evangelista
  • Kilala ang aktres na si Love Marie Ongpauco-Escudero o Heart Evangelista sa elegante nitong kilos at pananamit
  • Gayunman, sa likod ng kaniyang magagarang kasuotan ay naroon ang kaniyang malambot na puso para sa mga nangangailangan ng tulong
  • Hiling lamang ni Heart na maging tapat sa kaniya ang mga nanghihingi ng tulong

Kung marami ang nangangailangan ng tulong, marami rin namang handang tumulong. Halimbawa nito ang iba’t ibang online fund raising program para sa mga frontliners natin na lumalaban sa COVID-19.

Gayunman, bagama’t nakatutok ang sambayanang Pilipino sa pagsugpo ng COVID-19, marami rin ang nangangailangan ng agarang tulong dulot ng iba pang sakit.

Imahe mula sa Facebook page ni Heart Evangelista

Isa si Heart Evangelista sa mga nakatutok sa mga nanghihingi ng tulong gamit ang Twitter. Kailangan lamang na i-tag siya sa tweet at lakipan ng larawan ng pasyente ang post. Tutugunan naman ito ni Heart ng “DM please” o direct message/private message.

Sa kasalukuyan, siyam na katao ang target na matulungan ni Heart kada araw.

“Mahal, we were able to transfer blessings for 9 people today [April 4]. Thank you again online, nakalusot ulit. See you tomorrow at sa mga ka-DM ko, I will prioritize you tomorrow. God bless,” ayon sa isang tweet ng misis ni Sorsogon Governor Chiz Escudero.

Ngunit sa kabila ng kabutihang ito ni Heart, may mga nagsasamantala pa rin upang makapanlamang sa kapuwa.

“Please be honest with me. I just wanna help as much as I can… give chance to others. I still sent help 2x kahit alam ko you’re the same person knowing you might just be in a bad place. But I know,” ayon sa isang tweet ni Heart.

Imahe mula sa Facebook page ni Heart Evangelista

Marami ring netizens ang nalungkot at tumugon sa post na ito ni Heart. Mapalad na raw ang mga natulungan ng isang beses kaya mas mabuti na hayaan naman ang iba na matulungan. Nanawagan din sila na huwag abusuhin ang kabutihan ng aktres.

Sa kabilang banda, marami ang lubos na nagpapasalamat sa tulong na kanilang natanggap mula kay Heart na kaniya namang tinutugunan ng: “We are just instruments of God.”