Good Samaritan: Isang lalaking nagpagasolina, nag-abot din ng relief goods sa mga staff ng gas station




Larawan mula sa Facebook post ni Maila Marasigan
  • Hinangaan ang isang lalaking nagpa-gas at namigay ng relief goods sa staff ng gasoline station
  • Nasa limang kilong bigas daw ang ibinigay nito, kasama ang mga instant noodles, delata, at tinapay
  • Lubos naman ang pasasalamat ng mga gasoline station staff na nabigyan ng tulong dahil maituturing din silang frontliners

Maituturing din na frontliner ang staff ng mga gasolinahan sa bansa. Mahalaga kasi ang trabaho nila upang magpatuloy ang serbisyo ng mga sasakyang kailangan para sa mga pagamutan, para sa pamahalaan, at higit sa lahat, para maiparating ang mga pagkain, materyales, at serbisyong kailangan natin sa araw-araw.

Ito marahil ang dahilan kung bakit may isang lalaking nagpagasolina sa isang kilalang gas station at bigla na lang daw itong nagbigay ng relief goods sa mga naka-duty na staff noong araw na iyon. Ibinahagi ng isa sa mga staff na nabiyayaan ang kabutihan ng lalaki.

Larawan mula sa Facebook post ni Maila Marasigan

Nakuhanan nila ito ng larawan nang palihim ngunit hindi rin masyadong tanaw ang mukha dahil nasa loob ng kotse. Ngunit kahit hindi nila nakilala ang lalaki, malaking pasasalamat ang pinaabot ng tatlong naka-duty na staff ng gas station dahil sa tulong na natanggap.

Ayon kay Maila Marasigan, ang netizen na nag-post ng karansan nilang ito, nasa limang kilo raw ng magandang uri ng bigas ang nakuha nila, kasama ang ilang instant noodles, delata, at tinapay. Sinabi raw ng lalaki kung ilan silang naka-duty noong araw na iyon at lahat ay binigyan ng relief goods.

“Sir kung sino ka man po na nag-gas dito sa Petron salute po! Nagbigay po siya ng relief at iyong bigas niya, hindi basta lang bigas… Magandang klase at mabango pa po. Salamat po sir, God bless po…” pahayag ni Maila sa kanyang post.

Ikniuwento rin ni Maila kung gaano kabait ang lalaking nagbigay sa kanila ng tulong. Ayon daw dito, sana raw ay makatulong ang kanyang munting handog sa mga frontliners mula sa gasoline station. Sana raw ay sumapat sa kanilang isang araw na pangangailangan ang handog ng lalaki. Ang sabi naman ni Maila, dahil sa dami ng nakuha nila, hindi lang daw ito pang-isang araw.

Larawan mula sa Facebook post ni Maila Marasigan

“Nagtanong siya sabi niya, ‘Ilan kayong naka-duty?’ Sabi ko, tatlo. Sabi niya, sana daw ay makatulong kahit isang araw yung ibibigay niya. Eh ang dami ng bigas… Limang kilo tingin naming eh. Tapos noodles, delata, at tinapay,” komento ni Maila sa sariling post.

Marami naman ang humanga sa kabutihang loob ng lalaki. Ayon sa ilang netizens, mabuti at nabigyan ng simpleng pagkilala ang mga tauhan ng gasolinahan na talaga namang malaking bahagi ng ating pakikipaglaban kontra sa C0VID-19.