Buong Ciudad de Victoria ng Iglesia ni Cristo, ipagagamit bilang quarantine facility laban sa COVID-19




Imahe mula sa Official: Philippine Arena Facebook page
  • Nagsisimula na ang pamahalaan sa pag-convert ng malalaking pasilidad sa bansa para gawing quarantine facilities bunsod ng COVID-19
  • Isa sa mga nagpahintulot na ipagamit ang kanilang mga pasilidad ay ang Iglesia Ni Cristo (INC)
  • Hindi lamang ang Philippine Arena ang ipagagamit ng INC kundi ang buong Ciudad de Victoria na kanilang pagmamay-ari

Hinahanda na ng pamahalaan ang pagbubukas ng mga quarantine facilities para sa mga pasyenteng may COVID-19.

Sa pangunguna ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), ang malalaking pasilidad sa Metro Manila ay nasimulan nang gawing bilang mga quarantine facilities.

Imahe mula sa The BCDA Group Facebook page

Samantala, sa Central Luzon naman ay nakatakda na ring i-convert bilang quarantine facility ang Philippine Arena na nasa Ciudad de Victoria, Bulacan na pagmamay-ari ng Iglesia Ni Cristo (INC).

Sa ulat ng GMA News, sinabi ni BCDA President Vince Dizon na siya ay nagpapasalamat sa INC dahil pumayag ang kapatiran na ipagamit ang Philippine Arena para sa mga pasyente sa Bulacan at sa buong Rehiyon III.

Samantala, nilinaw naman ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na hindi lamang ang Philippine Arena ang pinagagamit ng INC kundi ang buong Ciudad de Victoria kung saan naroon din ang Philippine Sports Stadium at ang The Garden Suites.

Ang Ciudad de Victoria may sukat na 140 ektaryang lupain sa mga bayan ng Santa Maria at Bocaue sa Bulacan.

Sa isang Facebook note naman ng BCDA, sinabi ni Dizon na mithiin nilang mapigilan ang pagdagsa ng mga tao sa ospital nang sa gayon ay mabigyan ng priyoridad doon ang mga pasyenteng may kritikal at malalang kalagayan.

Dagdag pa ni Dizon, layunin din nilang maprotektahan ang mga frontliners sa mga ospital upang matiyak na hindi sila mahahawaan ng sakit.

Imahe mula sa The BCDA Group Facebook page

Samantala, sa susunod na linggo ay asahan na ang pagbubukas ng Ninoy Aquino Stadium sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex bilang quarantine facility sa Maynila. Sa Abril 11 naman nakatakdang buksan ang Philippine International Convention Center Forum Halls at ang World Trade Center sa Pasay City.