“Bituka bago ang kalsada”: Pagtupad ni Mayor Isko Moreno sa pangako sa mga Manilenyo




Imahe mula sa Facebook page ni Mayor Isko Moreno Domagoso
  • Napakahalaga ng suplay ng pagkain sa panahon ng COVID-19
  • Alam ito ni Manila City Mayor Isko Moreno kaya ini-realign niya ang pondo ng infrastructure projects ng lungsod para mas magamit sa mga pangangailangan ngayon ng mga Manilenyo
  • Uunahin muna ni Moreno ang pagkain na pangunahing pangangailangan ng tao

Pagkain ang isa sa mga pangunahing pangangailangan ng tao. Gayunman, lalong nagkakahirapan ang marami sa atin sa kung saan kukuha nito ngayong istriktong ipinatutupad ang community quarantine.

Sa kabutihang-palad, nariyan ang ating mga lingkod-bayan na nagbabahay-bahay para makapagpaabot ng relief goods, partikular na ang pagkain, sa kani-kanilang nasasakupan.

Imahe mula sa Facebook page ni Mayor Isko Moreno Domagoso

Alam ni Manila City Mayor Isko Moreno ang kahalagahan ng suplay ng pagkain sa sitwasyon natin sa kasalukuyan kaya labis ang pasasalamat ng butihing mayor dahil nakalikom ang kaniyang tanggapan ng dagdag na tulong para sa mga Manilenyo.

“Nakalikom po ng pondo sa maiksing panahon ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila para sa financial assistance, food packs, at rice subsidy para sa mahigit 600,000 na pamilya sa Lungsod ng Maynila,” masayang inianunsiyo ni Moreno sa kaniyang Facebook page.

Ipinaliwanag din ni Moreno ang ukol sa ini-realign na pondo na para sana sa mga infrastructure projects ng lungsod na gagamitin para sa pagkain at iba pang tulong.

“Humigit-kumulang ₱116 milyon na nakatakda sana para sa infrastructure projects ay ating ni-realign para sa food and non-food assistance para sa bawat Manileño upang ibsan ang epekto ng krisis na dulot ng COVID-19,” dagdag pa niya.

Sa ngayon, mas mahalaga ang pagkain kaysa sa pagpapaayos ng mga kalsada.

“Dahil tulad po ng aking pangako sa inyo, uunahin po muna ang bituka, bago ang kalsada,” paliwanag ni Moreno.

Tulad ng dati, naging abala at makabuluhan ang Biyernes, Abril 24, ni Mayor Moreno sa pagbibigay ng serbisyo sa mga nasasakupan. Kabilang sa mga naisagawa sa lungsod sa nasabing araw ay ang “pagpapaligo” sa Maynila upang mapanatiling malinis ang lungsod.

Imahe mula sa Facebook page ni Mayor Isko Moreno Domagoso

Sinalubong din niya ang 100 sako ng bigas mula sa isang anonymous donor at ang 150,000 na gatas para sa mga senior citizen.

Good job, Yorme! Maraming salamat po sa iyong serbisyo sa mga Manilenyo!