Beauty with a purpose: Miss England 2019 na isang doktor, matapang na nagsisilbi ngayon bilang frontliner sa UK




Larawan mula sa Instagram account ni Bhasha Mukherjee
  • Trending ngayon ang Miss England na si Bhasha Mukherjee dahil sa pagbabalik serbisyo bilang doktor
  • Kahit reigning Miss England siya, mas pinili niyang bumalik sa pagiging doktor upang tulungan ang mga kapuwa frontliner
  • Kasalukuyang nasa self-isolation pa si Bhasha upang masigurong ligtas siya sa C0VID-19 bago magserbisyo

“Beauty with a purpose” ang slogan ng pinakamatagal na beauty pageant sa mundo na Miss World. Maliban kasi sa pagpapakita ng pisikal na ganda ng mga kandidata, ay mayroon ding kanya-kanyang adbokasiya ang mga ito na makatutulong sa kanilang kapuwa.

At isang dating kandidata ng Miss World at itinanghal na Miss England 2019 ang pinatutunayan na patuloy ang adbokasiya kahit matapos ang sinalihang pageant. Hinahangaan ngayon ang 24-anyos na si Bhasha Mukherjee dahil mas pinili nitong maging frontliner sa bansang United Kingdom (UK) lalo’t dumarami ang kaso ng C0VID-19 sa nasabing bansa.

Larawan mula sa Instagram account ni Bhasha Mukherjee

Sa isang pahayag, sinabi ni Bhasha na nang malaman niyang lalong lumalala ang kalagayan ng kanyang bansa dahil sa pandemic, agad niyang napagpasiyahang bumalik sa UK at tulungan ang mga dating kasamahang doktor na patuloy ang paglilingkod sa mga kababayan nila.

Kahit mayroon pang mga commitment si Bhasha sa iba’t ibang bansa tulad ng Africa, Turkey, Pakistan, at India, at sinabing magpapahinga muna matapos ang mga proyekto hanggang Agosto, hindi na napigilan ng reigning Miss England na bumalik sa serbisyo.

Ayon kay Bhasha, hindi niya maatim na habang suot niya ang Miss England crown ay hindi man siya makapaglingkod sa kanyang sariling mga kababayan. Kaya naman mas pinili niyang bumalik sa UK at magtrabahong muli bilang isang doktor.

“When you are doing all this humanitarian work abroad, you’re still expected to put the crown on, get ready… look pretty. I wanted to come and go straight to work. I felt a sense of this is what I’d got this degree for and what better time to be part of this particular sector than now,” pahayag ni Bhasha.

Larawan mula sa Instagram account ni Bhasha Mukherjee

Lubhang makatutulong si Bhasha sa kanyang mga kababayan dahil ang kanyang specialization ay sumasaklaw sa respiratory medicine. Kasalukuyan nang nakabalik si Bhasha sa UK ngunit kailangan muna ng isa o dalawang linggo ng self-isolation.

Lumaban noong nakaraang taon si Bhasha sa Miss World pageant. Bigo man siyang maiuwi ang korona para sa England, nakapasok naman siya sa top 40 ng pageant.

Source :

CNN, India Today