65-anyos na lola sa Laguna, umiinom na lang umano ng tubig para maibsan ang gutom sa gitna ng ECQ




Imahe mula sa Youtube video ng GMA News
  • Ilang mga residente mula sa Laguna ang dumadaing na umano dahil sa kawalan ng relief goods sa kanilang lugar
  • Sa ulat ng 24 Oras, nakapanayam nila ang isang 65-anyos na lola n nagtitiis na lang uminom ng tubig maibsan lang ang gutom na kaniyang nararamdaman
  • Ilang kabahayan din umano ang nadatnan nilang may nakasahod na kaldero sa tapat bilang simbolo na wala na silang pangkain sa araw-araw

Nakalulungkot mang isipin ngunit maraming Pinoy ang nagtitiis sa ngayon dahil sa kawalan ng hanapbuhay at mapagkukunan sa pang-araw-araw.

Imahe mula sa Youtube video ng GMA News

Sa video na ibinahagi ng programang 24 Oras ng GMA noong April 3, mapapanood ang kanilang panayam sa 65-anyos na lola na dinadaan na lang umano sa pag-inom ng tubig ang gutom na kaniyang nararamdaman upang hindi na makadagdag pa sa problemang kinahaharap ng bansa.

“Tubig na lang po para mabubusog kami. Iyon ang karagdagan na para naman medyo tumagal-tagal naman ang aming buhay. Naka-quarantine kami ngayon. Nasunod kami sa gobyerno tapos ito nga walang pagkain,” mangiyak-ngiyak na sabi ng ginang na kinilalang si Luzviminda Lacatan.

“Bigas lang, okay na. Kahit iluto lang namin kaunting asin, okay na iyon. May laman bituka namin,” dagdag nito.

Ayon sa ulat ng programa, nagsimulang dumaing ang ilang residente sa Calamba, Laguna dahil sa paubos na ang una at huling relief goods na kanilang natanggap simula pa nang maipatupad ang enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Makikita sa video ang pagpapakita ng ilang mamamayan ng mga lalagyan na walang laman kasabay ng pagsenyas na wala na silang pagkain.

Nagpaliwanag naman ang pamahalaan na may sakop sa barangay na kinabibilangan ng mga nabanggit na residente.

Imahe mula sa Youtube video ng GMA News

Ayon sa kanila, natanggap na nila ang ayuda mula sa lokal na pamahalaan ng Calamba. Inuuna lamang nila umano sa ngayon ang mga pamilyang talagang nangangailangan sa kanilang barangay.

Humingi rin ng paumanhin at pang-unawa ang mga opisyal sa Laguna. Sinabi din nila na hindi sila tumitigil sa pagbibigay ng tulong at bukas sila sa kung anoman ang kinakailangan ng kanilang mga mamamayan.

Nangako rin umano ang mga opsiyal na pupuntahan ang mga kabahayan na una nang binisita ng GMA upang mabigyan ng karampatang tulong.

Source :

GMA, Youtube