3–in–1! Tikman ang “Graham Flan Haluhalo”




Imahe mula sa Facebook account ni Grace Valenzuela/Public Domain Image
  • Natakam ang mga netizens sa larawan ng 3–in–1 na panghimagas
  • Tinawag itong “Graham Flan Haluhalo”
  • Pinagsama–sama itong Graham cake o mango float, leche flan, at haluhalo

Ramdam na ang pagpasok ng panahon ng tagtuyot o dry season sa Pilipinas, at marahil, kung walang COVID–19, nasa galaan ang karamihan upang mamasyal, maglakbay, magbabad sa beach o resort, o kaya naman ay kumain ng mga malalamig na pagkain na nababagay sa panahon.

Speaking ng pagkain ngayong panahon ng tag–init, ilan sa mga paboritong dessert ng mga Pilipino ang Graham cake, leche flan, at haluhalo. Paano kung pinagsama–sama ito sa isang lalagyan?

Makikita sa Facebook post ni Grace Valenzuela ang isang larawan na nagpapakita ng “Graham Flan Haluhalo” na nakita umano niya sa ibang netizen.

Imahe mula sa Facebook account ni Grace Valenzuela

“Te–trending din to. Diyos ko! Ewan ko na lang kung hindi magshoot up sugar mo rito,” ayon sa caption.

Kung titingnang maigi ang larawan, mukhang hindi nagtipid sa rekado o sangkap ang gumawa nito. Talaga namang katakam–takam. Hindi naman naiwasan ng mga netizens na magkomento hinggil dito. May plano na sila kung sakaling maalis na ang enhanced community quarantine, o tuluyan nang masugpo ang COVID–19.

Sabi ng isa, “Wow! Bagay na bagay sa panahon ngayon. Nakakapaglaway naman. Na–miss ko nang kumain ng ganiyan sa labas. Pagkatapos talaga ng ECQ, iyan ang aatupagin kong kainin!”

“Hahahaha napakasarap naman po! Pero hindi iyan advisable sa mga senior citizens at may problema sa sugar level hehehe,” turan naman ng isa.

Pahayag naman ng isa, “Sweetness overload! Lahat ng paborito kong dessert pinagsama na! 3–in–1! Matapos lang talaga ang mga nangyayari ngayon, gagawa ako ng ganiyan.”

Imahe mula sa Facebook account ni Grace Valenzuela/Public Domain Image

Tatlong dessert o panghimagas na pinagsama–sama ang makikita sa larawan. Ang Graham ay tumutukoy sa “mango float” o crema de mangga, o mas kilala rin bilang Graham cake. Ang Graham ay tumutukoy sa brand name ng isang uri ng biskwit. Ang leche flan naman ay gawa sa gatas, prutas, narangha, asukal, kape at mga itlog.

Ang haluhalo naman ay pinagsama–samang rekados gaya ng asukal, gatas, ginadgad na yelo, macapuno, saging na saba, matamis na beans, sago at gulaman, pinipig, at ube. Minsan, nilalagyan pa ito ng leche flan o sorbetes sa ibabaw.