Tunay na ka-Barangay: Ginebra player Japhet Aguilar at asawa nito, bumuo ng fund raising para sa PPE ng health workers




Larawan mula sa Instagram account ni Japhet Aguilar
  • Bumuo ng isang fund raising ang Ginebra player na si Japhet Aguilar kasama ang kanyang asawa
  • Nais nilang makapagbigay ng PPE at face mask para sa mga frontliners natin o mga health workers
  • Sa kasalukuyan, umabot na ng halos kalahating milyong pisong donasyon ang kanilang natanggap

Sa panahon ng suliranin katulad ngayon, pinatutunayan ng mga Pilipino na iisang lahi tayo na handang magtulungan. Ganito rin ang pinatunayan ng Barangay Ginebra star at Gilas Pilipinas player na si Japhet Aguilar at kanyang asawang si Cassandra Naidas na iisang ‘barangay’ tayo na kailangang magpakita ng suporta sa isa’t isa.

Sa kanila kasing social media accounts, inanunsiyo nina Japhet at Cassandra na magbibigay sila ng face mask para sa ating mga health workers o mas kilala ngayon bilang mga frontliners.

Sa isang tweet, sinabi ni Japhet na nakahanap na sila ng supplier ng face mask para sa mga frontliners. Hinihikayat din nilang tumulong ang kanilang mga fans at kapuwa Pilipino upang makapagbigay pa ng mas maraming face mask at ilang personal protective equipment (PPE).

Larawan mula sa Instagram account ni Japhet Aguilar

“Hi guys! We’ve found a supplier of face masks and will be donating to h0spitals. If you would like to help as well, please check the Facebook page we made for more details,” sabi ni Japhet sa kanyang tweet.

Nauna nang nag-tweet ang kanyang asawa na si Cassandra na nag-donate na raw silang mag-asawa ng 2,000 piraso ng face mask. Ngayon naman, panawagan niya ay makiisa ang lahat upang makapag-abot sila ng PPE para sa mga mediko na kailangang-kailangan nila ngayon.

“Let’s provide more PPEs for our frontliners. You may send donations through the crowdfunding Facebook page,” tweet ni Cassandra.

Larawan mula sa Instagram account ni Japhet Aguilar

Sa update ng Facebook page na ginawa ng mag-asawang Aguilar,  nakalikom na sila ng P466,519 at mayroon na rin silang iba’t ibang orders para sa mga frontliners katulad ng 200 litro ng alcohol, 120 boxes ng gloves, 100 box ng head caps, 9000 na piraso ng surgical mask, at 2,000 na piraso ng N-95 mask.

Nakilala si Japhet bilang isang champion player ng PBA team na Barangay Ginebra habang ang kanyang asawa namang si Cassandra ay isang dating beauty queen at nagwagi bilang runner-up sa Miss World Philippines 2015 pageant.

Source :

Twitter, Facebook