Tsuper na humabol sa jeep na napag–iwanan ng tupperware ng batang umiiyak, kinalugdan ng netizens




Imahe mula sa Facebook account ni Kate Nabo/Public Domain Image
  • Isang pumapalahaw sa iyak na batang babae ang biglang sumakay sa isang jeep
  • Pinakiusapan niya ang tsuper na habulin ang una niyang sinakyang jeep dahil naiwanan daw niya kasi ang tupperware at baka mapagalitan siya ng kaniyang mama
  • Hindi nag–atubili ang tsuper na tulungan ang batang pumapalahaw ng iyak kaya siya ay kinalugdan

Naranasan mo na bang mapagalitan ng iyong nanay dahil naiwanan mo sa kung saan ang pinakaiingatan niyang “tupperware” na pinaglagyan ng iyong baon sa paaralan o trabaho?

Iyan marahil ang ayaw mangyari ng isang batang babae matapos nitong sumakay sa isang jeep habang balisang-balisa at pinahabol sa mamang tsuper ang nauna niyang sinakyang dyip, batay sa Facebook post ng isang pasaherong nakasaksi sa mga pangyayari na si “Kate Nabo”.

Imahe mula sa Facebook account ni Kate Nabo/Public Domain Image

Ayon sa kuwento ng pasahero, “So guys share ko lang kanina habang naghihintay ng ibang pasahero yung driver ng jeep na sinasakyan ko, may batang biglang sumakay tapos iyak siya nang iyak, hindi namin alam kung anong nangyari sa kanya, bigla na lang siyang nagsabi sa driver na ‘Manong puwede pakihabol po yung jeep na ‘yun’?”

Nag–alala naman sila pati na ang tsuper dahil sa patuloy na pagkabalisa ng batang babae kaya pinaharurot nito kaagad ang jeep upang mahabol ang jeep na itinuturo ng bata. Nang inusisa ng tsuper ang dahilan ng pagpalahaw nito, naiwanan daw kasi nito ang tupperware na baunan at baka mapagalitan siya ng kaniyang ina.

Hindi naman napigilan ng mga pasahero at tsuper na matawa sa dahilan ng bata. Nagtagumpay naman silang mahabol ang jeep at naibalik naman ang tupperware sa batang babae. Hindi na umano siya pinagbayad pa ng tsuper dahil sa labis na pagka-stress nito.

“Syempre normal lang, nagtawanan kaming ibang mga pasahero pati yung driver pero worth it naman yung pagharurot ni Manong Driver kasi nahabol namin yung jeep tapos hindi na lang pinabayad ni Manong Driver si baby girl kasi grabe na yung iyak niya. Tupperware nga naman” ayon sa huling post.

Kinalugdan naman ng mga netizens ang mamang tsuper na hindi nag-atubiling tulungan ang bata kahit naghihintay pa siya ng pasahero nang mangyari ito. Bukod dito, hindi na rin niya pinagbayad ang bata. Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens.

“Buti kamo at mabait ang tsuper. Pumayag na habulin ang jeep at hindi pa siya pinagbayad. Sana naman okay si baby girl at ang mama niya, hahaha,” aliw naman na turan ng isa.

“Ang bait ni Manong Driver! Pagpalain po sana kayo ni Lord. Mabuti po ang inyong kalooban.

Kudos po sa inyo, Manong Tsuper! Pagpalain po kayo ng Poong Maykapal!

Tunay naman na nakabibilib ang kabaitan ni Kuyang driver.