Sarah Geronimo, Sanya Lopez, at Kathryn Bernardo, may kanya-kanyang kuwento sa pagiging first time PBA muse




Larawan mula sa Facebook page ng Magnolia Hotshots, Phoenix LPG, at IG account ni Sanya Lopez
  • Bumida bilang first time muses ang mga malalaking artista tulad nina Sarah Geronimo, Kathryn Bernardo, at Sanya Lopez
  • Bawat isa ay may bitbit na kuwento sa kanilang unang beses na pagrampa bilang muses ng PBA teams
  • Nag-trending naman sila sa social media at nakatanggap ng magagandang feedback mula sa mga manonood

Literal na binigyang-kulay ng malalaking bituin ang opening ng ika-45 season ng Philippine Basketball Association (PBA). Mga bigating female personalities kasi mula sa iba’t ibang larangan ang nagsilbing muse ng labindalawang teams ng pinakamalaking basketball league sa bansa.

Ilan sa mga muse nag-trending sa social media ay ang mga first timers na sina Sarah Geronimo-Guidicelli, Kathryn Bernardo, at Sanya Lopez. Ito ang unang pagkakataon na nagpaunlak bilang muse ng anumang athletic team ang Popstar Royalty na si Sarah.

Larawan mula sa Facebook page ng Phoenix LPG

Bilang muse ng Phoenix Super LPG team, rumampa ang bagong kasal na si Sarah suot ang kanyang blue-green na dress. Naging tampulan din ng tukso si Sarah ng mga host at ng mismong PBA commissioner na si Willie Marcial dahil sa hit song nitong Tala. Sumigaw ang audience ng isang sample ng Tala dance mula kay Sarah na hindi naman niya napagbigyan dahil hindi makakasayaw ang singer sa kanyang suot.

Isang katuparan naman ng pangarap ng ama ni Kathryn na maging bahagi ang anak ng PBA. Nagpaunlak naman si Kathryn bilang muse ng Magnolia Hotshots Pambansang Manok. Naka-blue gown si Kathryn na unang beses ding rumampa bilang muse. Kahit daw hindi siya sports fan, malaking karangalan ang pagiging muse niya dahil big fan daw ng basketball ang kanyang ama.

Ang pagiging muse naman ni Sanya ng Barangay Ginebra ay isang katuparan ng pangarap. Maliban kasi sa pagiging muse, si Sanya rin ang official calendar girl ng Ginebra products ngayong 2020. Masaya raw siyang maihanay sa iba pang naging Ginebra ladies tulad nina Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach at Kapuso primetime queen Marian Rivera.

Bahagi rin ng opening night ng PBA si Miss Universe Philippines 2013 Ara Arida bilang muse ng TNT KaTropa. Ang gold medalist at Olympiad na si Pauline Lopez naman ang naging official lady ng NLEX Road Warriors.

Larawan mula sa Facebook page ng Magnolia Hotshots

Dalawang beauty queens pa ang nagbigay ng ningning sa opening ng PBA tulad nina Miss Globe 2019 2nd runner-up Chaiyenne Huisman at Mutya ng Pilipinas 2019 queen na si Klyza Castro bilang muse ng Rain or Shine Elasto Painters.

Si Miss Hispanoamericana-Filipinas 2018 Alyssa Muhlach naman ang muse ng San Miguel Beermen, si Christine Patrimonio naman ang sa NorthPort, ang vlogger na si Zowie Palliaer naman ang para sa Alaska Aces, at si Joy Wu naman ang nag-represent sa koponan ng Black Water.

Source :

GMA News, SPIN