Pina-level up! Delata at kape, mas pinasosyal ng isang netizen sa kanyang kakaibang diskarte




Larawan mula sa Facebook post ni Siegfred Panesa at Pexels
  • Patok sa maraming netizens ang kakaibang diskarteng ginawa ng isang lalaki sa kanilang mga delata at instant coffee sa bahay
  • Nilagyan niya kasi ito ng printed logo ng mga sikat na kainan at coffee shop para naman daw sosyal ang kanilang pagkain
  • Maraming netizen naman ang na-good vibes sa pakwelang diskarteng ito ng social media user

Marami sa mga Pilipino ngayon ang nagkakasya muna sa mga ready-to-eat at easy to prepare na pagkain sa panahon ng enhanced community quarantine (ECQ). Karamihan sa mga Pilipino ay bumili ng mga delata, instant noodles, instant coffee, at iba pang madaling ihandang pagkain dahil madali itong itabi lalo na’t umiiral ang community quarantine sa loob ng isang buwan.

Biyaya ang pagkakaroon ng stock ng pagkain sa mga panahong ganito. Ngunit para sa ilan, hindi nila maiwasang ma-miss ang kanilang mga paboritong kainan na sarado sa kasalukuyan. Kaya naman isang netizen ang gumawa ng kakaibang diskarte para muling ‘makain’ ang kanyang mga paborito at espesyal na pagkain mula sa restaurants at sikat na coffee shop.

Larawan mula sa Facebook post ni Siegfred Panesa

In-upload ng netizen na si Siegfred Panesa sa kanyang Facebook account ang kakaibang mga delata at instant coffee na mayroon sila sa bahay. Dahil sa pagka-miss niya sa mga sikat na fast food restaurants, binalutan niya ng logo ng mga ito ang stock nilang canned goods.

Makikita sa idinikit niyang printed logos ang mga sikat na kainan sa bansa tulad ng Mang Inasal, Jollibee, Max’s, Chowking, KFC, at McDonald’s. Maging ang kanilang ordinaryong 3-in-1 coffee ay biglang naging isang sikat na brand ng kape. Nilagyan niya rin kasi ng printed logo ng Starbucks ang pakete ng instant coffee.

Dahil dito, agad na nag-trending sa social media ang post ni Siegfred. Habang isinusulat ang kuwentong ito, wala pang isang araw nan aka-upload ang nasabing larawan ng mga pina-level up na instant coffee at canned goods. Pero mayroon na itong higit 1,600 shares at nasa 500 na rin ang reactions na nakuha.

Larawan mula sa Pexels

Maraming netizens na nag-share ang nakakuha raw ng ideya mula sa diskarteng ito ni Siegfred. Ayon sa kanila, pwede na raw nilang araw-arawin ang kanilang favorite restaurant dahil sa larawan. Ang iba nga ay pabirong nag-schedule na rin ng kanilang kakainin sa buong linggo.

Ang iba naman ay napa-sana all sa sosyal na pagkain ni Siegfred at kanyang pamilya sa kabila ng umiiral na community quarantine. May naaliw din sa Starbucks instant coffee na gawa ni Siegfred. Ayon sa kanila, di raw nila akalain na may twin pack na rin palang ibinebenta ang sikat na coffee shop.