Pagkansela sa klase, hindi nirerekomenda ng DOH sa kabila ng panibagong kaso ng COVID-19 sa bansa




Imahe mula sa Pixabay
  • Nag-anunsiyo na ang ilang lokal na pamahalaan ukol sa pagkansela sa klase sa darating na Lunes, Marso 9, 2020
  • Ang pagkansela ng klase ay dahil sa bagong kaso ng pasyenteng nagkaroon ng coronavirus disease
  • Gayunman, hindi pabor ang Department of Health sa hakbang na ito ngg lokal na pamahalaan

Kasalukuyang nasa Red Code ang Pilipinas matapos makumpirma ang panibagong pasyente na nagkaroon ng coronavirus disease (COVID-19). Ito ang pang-anim na kaso ng COVID-19 sa bansa.

Imahe mula sa Facebook page ng DOH-Philippines

Dahil sa bantang ito, may ilan ng lokal na pamahalaan ang nagkansela ng klase sa Lunes, Marso 9, 2020, tulad ng Navotas City at Cainta, Rizal.

Gayunman, binigyang-diin ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na hindi nila inirerekomenda ang pagsuspende ng klase.

“As of today, we are sub-level 1 of code red, and that is not being recommend,” pahayag ni Duque sa isang press briefing.

Ayon sa DOH, ang Code Red, sub-level 1, ay isang preemptive call upang matiyak na ang pambansa at lokal na pamahalaan, maging ang pampubliko at pribadong ospital at klinika ay makapaghanda sa posibleng pagtaas ng bilang ng mga pasyenteng maaapektuhan ng COVID-19.

“So hindi po tama na ‘yun [pagkansela ng klase] ay gagawin sa ngayon,” dagdag ni Duque.

“There will be triggers that will make the DOH recommend part of the sub-level 2 under Code Red, so meron na po tayong protocol patungkol diyan,” ayon pa kay Duque.

Ayon sa report ng Inquirer, ang pahayag na ito ni Duque ay may kaugnayan sa agarang pagkansela ni Navotas City Mayor Toby Tiangco sa klase mula Kindergarten hanggang kolehiyo sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod.

Imahe mula sa Pixabay

Gayunman, nilinaw ni Duque na bagama’t ipinahayag niya na hindi sana ginawa muna ang pagkansela sa klase ay nasa desisyon pa rin iyon ng lokal na pamahalaan dahil iyon ay sakop ng local government code.

Sa isang Facebook post, inianunsiyo ni Tiangco ang pagkansela ng klase sa Lunes. Hiniling din niya sa Department of Education ang automatic passing para sa lahat ng mga mag-aaral ng school year 2019-2020 dahil sa COVID-19.